Calendar

Speaker Romualdez suportado pinalawig na PH-US military exercises, tiniyak suporta sa patuloy na modernisasyon ng AFP
PINURI ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pinakabagong serye ng mga military exercise ng mga tropa ng Pilipinas at Estados Unidos na magpapalakas umano sa kakayanan ng dalawang bansa.
“Ang mga ganitong pagsasanay ay mahalaga para maging matatag ang kakayahan nating protektahan ang ating teritoryo at ang ating mga mamamayan sa pakikipagtulungan sa ating mga kaibigan,” ani Speaker Romualdez, lider ng 306 kongresista.
“Gayunman, mahalagang tandaan na tayo pa rin ang may hawak ng ating kinabukasan bilang isang bansang nagsasarili,” dagdag pa nito.
Kasama sa military exercise ang Marine Exercise (MAREX) 2025, na nagsimula noong Marso 30 at opisyal na nagtapos ng Abril 11.
Ang MAREX 2025 ay inorganisa ng Philippine at US Marine Corps, at kinabibilangan ng 179 US Marines, 189 na tauhan ng Philippine Marine Corps, 57 sundalo ng Philippine Army, 11 opisyal ng Coast Guard at 40 reservists.
Ang pagsasanay ay nakatuon sa mabilisang pagtugon sa mga isyu sa karagatan, counter-landing operations at depensa sa baybayin.
“Sa ganitong paraan, matutugunan natin ang mga kritikal na aspeto ng depensa ng ating bansa lalo na sa ating mga baybayin,” sabi pa ng lider ng Kamara.
Pinapurihan ni Speaker Romualdez ang kolaborasyong ito sa pagpapakita ng kapwa puwersa sa kanilang hangarin na panatilihin ang seguridad sa Indo-Pacific region, na isang pamumuhunan sa kahandaan at pagitiwala.
Kasabay nito ay isinasagawa rin ang “Salaknib” — isang salitang Ilokano na nangangahulugang “kalasag” — sa ilalim ng pangangasiwa naman ng Philippine Army at US Army Pacific (USARPAC).
Ang unang bahagi ng Salaknib ay mula Marso 24 hanggang Abril 11, samantalang ang ikalawang bahagi ay nakatakdang isagawa mula Mayo 19 hanggang Hulyo 20.
Bahagi ng pagsasanay ng Salaknib ang sistema ng komunikasyon, live fire ng field artillery, sling load helicopter operations at medical evacuations.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang MAREX 2025 at Salaknib joint exercises ay idinisenyo upang palalimin ang kahandaan at kooperasyon sa depensa, at hindi layuning mag-udyok ng alitan.
“Ang mga pagsasanay na ito ay hindi patungkol kaninuman. Ang tanging layunin nito ay ang pagpapalakas ng kasanayan ng ating mga tropa at pagpapahusay ng koordinasyon sa ating mga kaalyado para sa seguridad at kapayapaan,” aniya.
Sinabi rin niya na mahalagang bahagi ng parehong pagsasanay ang mga kasanayan sa humanitarian assistance, pagtugon sa sakuna at pagpapanatili ng kapayapaan.
Ang joint military exercise ay isinasagawa sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty — isang kasunduang matagal nang nagsisilbing pundasyon ng kooperasyong pangdepensa ng Pilipinas at Estados Unidos — habang pinananatili ang paggalang sa soberanya ng Pilipinas.
Samantala, muling pinagtibay ni Speaker Romualdez ang pangako ng Kamara na maglaan ng sapat na pondo at malinaw na mga patakaran para sa modernisasyon ng depensa ng bansa, alinsunod sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na estratihikong pangseguridad.
“Suportado namin ang layunin ni Pangulong Marcos na maisulong ang modernisasyon ng ating Sandatahang Lakas. Handa kaming maglaan ng karampatang pondo para rito at masusi naming babantayan ang paggamit para masigurong maayos ang implementasyon,” saad niya.
Naniniwala umano si Speaker Romualdez na ang pagkakaroon ng matatag na pambansang depensa ay makakatulong sa paglikha ng isang matatag na kapaligiran para makaakit ng mas maraming mamumuhunan at mapasigla ang paglago ng ekonomiya ng bansa, na lilikha ng mas maraming trabaho at makatutulong para maiangat sila mula sa kahirapan.
Muling nanawagan si Speaker Romualdez sa mga Pilipino na patuloy na magkaisa sa pagtataguyod ng soberanya ng bansa at pagdepensa sa integridad ng teritoryo nito.
“Patuloy tayong magkaisa sa pagtatangol sa interes ng ating bansang Pilipinas. Ang ating lakas ay hindi lamang nakasalalay sa puwersa ng ating Sandatahang Lakas kundi pati na rin sa ating pagkakaisa bilang mamamayan,” pahayag ni Speaker Romualdez.