Martin2

Speaker Romualdez, Tingog namigay ng ayuda sa QC

Mar Rodriguez Aug 27, 2023
200 Views

AcidreNAGSAMA ang mga tanggapan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre sa pamimigay ng tig-P5,000 sa may 2,000 kuwalipikadong benepisyaryo sa dalawang barangay sa District 5 ng Quezon City noong Biyernes.

Ang pamimigay ng ayuda ay tugon sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makapagbigay ng mas maayos na serbisyo sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinamumunuan ni Sec. Rex Gatchalian.

Ang mga benepisyaryo ay mula sa Barangay Pasong Putik at Sauyo sa Novaliches, na kapwa sakop ng District 5 ng Quezon City.

Layunin ng AICS program ng DSWD na matulungan ang mga mahihirap na pamilya upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at mapa-unlad ang kanilang pamumuhay.

Bago ang opisyal na pagsisimula ng programa ay pinasaya ang mga residente ng komedyanteng si Wacky Kiray.

Ayon kay Acidre ang ginagawa ng Tingog ay ganti sa magandang kalooban na ipinakita sa Leyte ng manalasa ang bagyong Yolanda.

“Hindi titigil ang Tingog Party-list sa pag-aalaga sa inyo dahil nauna kayong nag-alaga samin,” ani Acidre. “Sana po tuloy-tuloy ang ating pagtutulungan at pagkakaisa, upang tuloy-tuloy rin po ang aming paglilingkod.”

Sa kanyang talumpati, sinabi naman ni Rep. Yedda na hindi mapapagod ang Tingog party-list sa pagtulong sa mga nangangailangan.

“Asahan po ninyo na hindi dito magtatapos ang aming pagseserbisyo. Makakaasa po kayo na mas magiging malakas at magpapatuloy ang alaga ng Tingog sa District 5 sa tulong at suporta ng ating Speaker,” ani Rep. Yedda.

Ang pamimigay ng ayuda sa Barangay Sauyo, nakatuwang ng Tingog sina Mayor Joy Belmonte at Congresswoman Marivic Co-Pilar.

Ginanap ito sa Greenville Court, Greenville Drive at nakatuwang ng Tingog ang team ng DSWD sa pangunguna ni Ashliah Baute.

Ayon kay Rep. Yedda mayroong pitong Alagang Tingog Center sa Quezon City na malalapitan ng mga residente upang makakuha ng serbisyo mula sa gobyerno.

“Meron po tayong PITONG (7) Alagang Tingog Centers dito sa QC – sa Batasan Hills, Brgy. Holy Spirit, Kamuning, Payatas, Bagong Silangan, Sta. Monica at syempre, dito sa District 6, sa Pasong Tamo,” dagdag pa ni Rep. Yedda.

Ang pagpapakalat umano ng ATC sa Quezon City ay patunay na pagnanais ng Tingog na matulungan ang mag residente ng lungsod.

“Lagi kaming nasa tabi nyo, wala pong iwanan!” dagdag pa ni Rep. Yedda.

Nauna rito ay pinangunahan din ni Rep. Yedda ang pamimigay ng isda sa mga residente ng Brgy. Kaligayahan sa St. Theresa School of Novaliches. Nakasama ni Rep. Yedda sina Acidre, Quezon City Fifth District Rep. PM Vargas, Belmonte, Association of Barangay Captains President Freddie Roxas, Councilor Alfred Vargas, at DSWD Assigned Leader Ma. Rita Corañes.