Calendar
Speaker Romualdez tiniyak agarang pag-apruba ng Kamara sa panukala laban sa agri-product smuggling
TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang agarang pag-apruba sa panukala na makatutulong sa kampanya ng gobyerno laban sa smuggling lalo na sa mga produktong pang-agrikultura gaya ng sibuyas.
Ang panukalang Ant-Agricultural Smuggling Act ay isa sa mga panukala na nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad maisabatas at napagkasunduan na bibigyang prayoridad sa nakaraang pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“As soon as the start of the 2nd Regular Session of the 19th Congress, we will immediately buckle down to work for the passage of the proposed amendments to the Anti-Agricultural Smuggling Act,” ani Speaker Romualdez.
Sa pagpupulong ng LEDAC noong Miyerkoles, Hulyo 5, napagkasunduan na gagawing prayoridad ng Kamara at Senado ang pagpasa sa 20 panukala bago matapos ang taon.
“The inclusion of this measure among the LEDAC priority legislation manifests the commitment of Congress to support Pres. Marcos’ drive against unfair business practices that hurt consumers and local farmers alike, but also derail the administration’s efforts to attain food security,” sabi ni Romualdez.
“Enactment of this measure will institutionalize and improve mechanisms, as well as provide more stringent penalties that would serve as a strong deterrent against smuggling of agricultural products, including onion,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Nauna rito, inatasan ni Pangulong Marcos ang National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) na habulin ang mga smuggler ng sibuyas at iba pang agricultural products at sundan ang resulta ng imbestigasyong ginawa ng House Committee on Agriculture and Food.
Sa pagdinig ng naturang komite noong Mayo, tinukoy ni Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo ang kartel na binubuo ng iba’t ibang kompanya na siya umanong kumontrol sa suplay ng sibuyas kaya tumaas ang presyo nito noong 2022.
Si Romualdez ang nagpatawag ng imbestigasyon sa umano’y hoarding, price fixing, at smuggling ng sibuyas na dahilan ng pagtaas ng presyo nito sa P700 kada kilo.
Ang iba pang panukala na napagkasunduan sa pagpupulong ng LEDAC na aaprubahan bago matapos ang taon ay ang amyenda sa BOT Law/PPP bill, National Disease Prevention Management Authority, Internet Transactions Act/E-Commerce Law, Health Emergency Auxillary Reinforcement Team (Heart) Act, Virology Institute of the Philippines, Mandatory ROTC and NSTP, pagbuhay sa Salt Industry, Valuation Reform, E-Government/E-Governance, at Ease of Paying Taxes.
Kasama rin dito ang National Government Rightsizing Program, Unified System of Separation/Retirement and Pension of MUPs, LGU Income Classification, Waste-to-Energy bill, New Philippine Passport Act, Magna Carta of Filipino Seafarers, National Employment Action Plan, Bank Deposit Secrecy, at Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA).
Ang 18 sa 20 panukala ay bahagi ng 42 prayoridad na panukala na tinukoy sa unang pagpupulong ng LEDAC noong Oktobre 2022. Ang bagong dalawa ay ang itinulak ng Bangko Sentral ng Pilipinas na maisama—ang Bank Deposit Secrecy, at Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA).
Sa 42 prayoridad na panukala, 33 na ang naaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong unang regular session ng 19th Congress na nag-adjourn noong Mayo 31. Sa Hulyo 24 naman magbubukas ang ikalawang regular session ng kasalukuyang Kongreso.