Martin

Speaker Romualdez tiniyak: Marcos admin, Kamara magkatuwang upang maabot rice self-sufficiency ng bansa sa 2028 – Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Jul 7, 2024
95 Views

CoTINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na tutulungan ng Kamara de Representantes ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. upang maabot ang pinapangarap na rice self-sufficiency ng bansa sa Hunyo 2028.

Ayon kay Speaker Romualdez ang layunin ng lahat ng ginagawa ng administrasyong Marcos sa sektor ng agrikultura partikular ang pagtulong sa magsasaka ay maparami ang produksyon ng bigas sa bansa upang hindi na kailanganing mag-angkat pa.

Sinabi ng lider ng Kamara na ang mga ahensya gaya ng Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) ay gumagawa ng mga hakbang upang maparami ang produksyon ng pagkain sa bansa.

“Lahat ng ito kino-converge natin para mas efficient ang paggamit ng pondo. Dati, ‘yung DA may programa, NIA may programa parang hindi nag-uusap. Pero, nag-uusap na tayo. So, we feel that sa puno’t dulo nito magkakaroon tayo ng rice self-sufficiency,” ani Speaker Romualdez.

“Yan ang aspiration,” sabi pa ng lider ng Kamara matapos tanungin kung ang target ng administrasyon ay magkaroon ng self-sufficiency sa bigas ang bansa sa pagtatapos ng termino ng administrasyon sa 2028.

“So all-of-government approach, so ‘yung Department of Agriculture, National Irrigation Authority, NFA (National Food Authority), siyempre ‘yung buong executive, ngayon ‘yung legislative nag sama-sama na,” ani Speaker Romualdez.

Ayon sa kinatawan ng unang distrito ng Leyte, ang mga hakbang na ito ay naglalayong marating ang rice self-sufficiency ng bansa.

“Magko-construct ang DPWH (Department of Public Works and Highways) ng mas maayos na CIS (Comprehensive Irrigation Systems), interconnected ito sa mga impounding para sa tubig, para kapag umulan may flood control na nag-aasikaso, mayroon ka nang patubig, mayroon ka pang reservoir, bulk water,” sabi pa nito.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na pangmatagalang pag-iisip upang mapanatili ang pagkakaroon ng seguridad sa pagkain ang bansa.

“Food security, is national security. So, talagang mahalaga talaga itong programa na ito. Unang-una, gusto nating ibaba ang presyo ng bigas na abo’t kaya ng lahat ng Pilipino, kasi ang Presidente ayaw na ayaw niya na may mahirapan o magutom na Pilipino,” saad pa nito.

“Pero, hindi lang pwede na ganun ang iniisip, kaya ang long-term plan niya ay bago siya bumaba, we will no longer be dependent on rice imports. So, kailangan talaga rice self-sufficiency. So, kailangan mas efficient ang mga palayan natin, kailangan ng patubig at napakaraming patubig pa,” giit ng lider ng Kamara.

Nauna rito ay tiniyak ng Kamara de Representantes sa mga lokal na magsasaka na magpapatuloy ang suporta na ibinibigay sa kanila ng administrasyon sa kabila ng pagbabawas sa taripang ipinapataw sa imported na bigas.

“We are relying on them, and we assure them that Congress, government, the people are behind them,” ani Speaker Romualdez na sinugundahan naman nina House Committee on Agriculture Chair Mark Enverga (Quezon, 1st District) at Committee on Appropriations Chair Zaldy Co (Ako Bicol Party-list).

Sinabi nina Enverga at Co na sa kabila ng pagpapatupad ng Executive Order No. 62 na nagbabawas sa taripa ng imported na bigas sa 15 porsiyento mula 35 porsiyento ay magpapatuloy ang mga programa ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga magsasaka.

Iginiit ni Enverga na malaking pondo ang inilalaan ng gobyerno upang suportahan ang mga magsasaka bukod pa sa pondong naiipon sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na mula naman sa buwis na ipinapataw sa imported na bigas alinsunod sa Rice Tariffication Law (RTL).

Sa ilalim ng RTL, 10 bilyon mula sa nakolektang buwis ang ilalaan sa mga programa upang tulungan ang mga magsasaka gaya ng mechanization, mas magandang binhi, at bagong teknolohiya sa pagsasaka.

Matatapos na ang implementasyon ng RCEF ngayong taon kaya nagpasa ng panukala ang Kamara na palawigin pa ito hanggang 2030 at itaas sa P15 bilyon ang inilalaang pondo para sa mga magsasaka.

Batay sa datos ng Bureau of Customs (BOC), hanggang noong Mayo ay nakakolekta na ito ng P22 bilyon mula sa buwis na ipinataw sa imported na bigas.

“Currently, there are P22 billion as stated by the [BOC]. At paalala po, June pa lang po ngayon, may taripa pa rin po, so may 15 percent tariff. Ibig sabihin, tataas pa rin ang collection for this year, so hindi po mapapabayaan ang ating mga farmers,” punto ni Enverga.

Sinabi ni Enverga na ang paglalaan ng malaking pondo sa national rice program ay patunay na seryoso sina Pangulong Marcos at Speaker Romualdez na mapataas ang sektor ng agrokultura ng bansa.

Ayon naman kay Co ang malaking suportang pinansyal at mga imprastrakturang itatayo sa susunod na taon para sa mga magsasaka ay tiyak ng mapopondohan.

“In fact, sa farmers na P10 billion tumaas pa po ng P22 billion as early as now. So wala pong kailangan na ikabahala ang ating mga farmers,” ayon pa kay Co.