BBM

Speaker Romualdez: Tsunami ng investment hatid ng Japan trip sa PH

Mar Rodriguez Feb 11, 2023
193 Views

NAKIKITA ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mala-tsunami na investment na darating sa Pilipinas bunsod ng working visit sa Japan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa panayam ng mga miyembro ng Philippine media sa Hotel Okura sa Tokyo, sinabi ni Romualdez na positibo ang naging tugon ng Japanese government at mga negosyanteng nakabase roon at lumagpas ito sa inaasahan ni Pangulong Marcos na kanilang makukuha.

“I think he’s thrilled. In fact I think he’s overwhelmed because there’s just this I don’t know what’s the word parang me tsunami ng interest; not just interest but commitments, not just from existing Japanese investors and businesses but even new ones,” ani Speaker Romualdez.

“So I don’t see why we won’t be getting a deluge or kumbaga tsunami talaga of investments and expansion of business opportunities,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Muling binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng dagdag ng pagpasok ng pamumuhunan ng bansa upang dumami ang mapapasukang trabaho at ang oportunidad na maibibigay nito sa iba pang negosyo sa bansa upang kumita.

Bago ang panayam, nilagdaan ang 35 Letter of Intent (LOI) na magpapalawak sa kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa iba’t ibang larangan.

Sinabi ni Pangulong Marcos na umabot sa 255 pagpupulong ang dinaluhan ng 85 kompanya na nakabase sa Pilipinas upang makausap ang mga kompanya sa Japan na maaari nitong makapareha sa pagnenegosyo.

Ayon sa Department of Finance (DoF) at Department of Trade and Industry (DTI) maraming mga Japanese company ang nais na lumahok sa aktibidad subalit hindi na mapagbigyan ang lahat dahil sa limitadong oras at venue.

Isa umano sa mga pagpupulong na ito ang pag-uusap ng isang Japanese company at ng Aboitiz para sa pagtatayo ng bagong mapagkukuhanan ng suplay ng kuryente.