Martin1

Speaker Romualdez: WEF forecast salamin ng matagumpay na paglalakbay ng PH

Mar Rodriguez Mar 22, 2024
118 Views

NAGPAHAYAG ng galak si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez kaugnay sa inilabas na forecast ng World Economic Forum na magiging 2-trillion dollar economy ang bansa sa susunod na dekada.

Sa pagtaya ng WEF, maihahanay ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa Canada, Italy at Brazil.

Dahil dito, simabi ni Romualdez na ang ibinahaging projections ni WEF President Borge Brende ay sumasalamin sa matagumpay na paglalakbay ng bansa tungo sa kaunlaran at pagbabago ng buhay ng mamamayan.

Maiuugnay aniya ito sa strategic investments sa edukasyon, imprastraktura at workforce development na nagpapalakas sa kapakanan at oportunidad para sa mga Pilipino.

Kumpiyansa rin ang House leader na base sa purchasing power at kung magtutuluy-tuloy ang sustainable growth na 7 hanggang 8 percent kada taon ay maaabot ng bansa ang trillion-dollar mark.

Pinuri naman ni Romualdez ang matatag na ekonomiya at fiscal strategy ng gobyerno na nagpaangat sa Pilipinas bilang nakaeengganyong destinasyon para sa foreign investments.

Dagdag pa ng House Speaker na mahalaga ang papel ng legislative action partikular ang pag-amiyenda sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution na naglalayong alisin ang balakid sa foreign investment na lumilikha ng trabaho at nagpapabuti sa public services.

Gayunman, kailangan umanong i-streamline ang mga proseso sa gobyerno at itaguyod ang business-friendly environment upang samantalahin ang oportunidad sa mga sektor gaya ng manufacturing.