Speaker Romualdez

Speakership, impeachment di tinalakay sa fellowship dinner

232 Views

HINDI humingi ng suporta si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa 41 miyembro ng paparating na 20th Congress upang manatili itong lider ng Kamara de Representantes o sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Nakipagkita si Speaker Romualdez sa mga bagong halal at ilang reelected na miyembro ng Kamara sa isang fellowship dinner nitong Miyerkules. Nagsilbi itong pagtatapos ng tatlong araw na orientation seminar para sa mga papasok na mambabatas.

Ayon kina Assistant Majority Leader at Manila Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na chairman ng House Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims’ Compensation, binigyan ni Speaker Romualdez ng gabay at suporta ang mga magiging miyembro ng susunod na Kongreso.

Kapwa nanalo sina Dionisio at Adiong sa kani-kanilang distrito, kaya sila ay magiging bahagi rin ng 20th Congress na magbubukas sa Hulyo 28—araw din ng taunang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa harap ng joint session ng Kamara at Senado.

“Wala namang appeal na mga ganun for the speakership. It was mainly to give guidance and show support to the new members of the House. Speaker Martin was simply showing, ‘yung guiding the new members on how they could become effective leaders of their respective districts,” ani Dionisio.

“Again, in terms of asking for support for the speakership, there’s not a single iota of request or anything of that sort,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay Adiong, ang fellowship dinner ay upang mainit na tanggapin ang mga bagong miyembro ng Kamara.

“Nanduon po kami…and it was merely getting to know each other kumbaga. So, welcoming the incoming members of the 20th Congress, as well as to inspire them. Hindi lang mga incoming but also…reelected members ng House, to inspire them…to commit themselves to their advocacies,” aniya.

“So it was simply a gesture of welcoming them, making them part of the official family of the incoming Congress. Wala pong napag-usapan duon about leadership support or anything about yung positions in the House,” dagdag pa niya.

Dagdag ng mambabatas mula Mindanao, tiniyak ni Speaker Romualdez sa mga bagong halal at muling nahalal na miyembro ng Kamara na ipagpapatuloy niya ang pagsuporta sa mga programa at adbokasiya hindi lamang para sa kani-kanilang mga distrito kundi para rin sa buong bansa.

Muling iginiit nina Dionisio at Adiong na mahigit 200 miyembro ng papasok na Kamara ang lumagda sa isang manifesto na nagpahayag ng kanilang suporta kay Speaker Romualdez upang manatili bilang lider ng mas malaking kapulungan sa 20th Congress

“Meron na pong 200-plus na signature na nagsasabing sumusuporta sila sa ating Speaker ngayon because may kasabihan nga, if it’s not broken why fix it. Sustainability at stability na ipinakita sa leadership ni Speaker Martin, doon ‘yung source of support na pinanggagalingan ng bawat indibidwal na congressmen na 200-plus na lumagda para ipakita ang kanilang suporta sa current Speaker na ito na maging speaker in the 20th Congress,” pahayag ni Adiong.

Nauna rito, sinabi rin ni Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez, na nahalal din muli bilang miyembro ng Kamara, na suportado si Speaker Romualdez ng “super majority” ng Kamara.