Garcia

Special election sa nabakanteng posisyon ni Teves posible sa Disyembre

199 Views

POSIBLE umanong sa Disyembre magsagawa ang special election para mapunan ang nabakanteng puwesto ni Arnolfo Teves na sinibak bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Negros Oriental.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia mahihirapan ng maisabay ang paghalal ng kinatawan ng Negros Oriental sa Kamara de Representantes sa isasagawang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa Oktobre 30.

“Mahihirapan na po. After na po. Kung sakali, ang pinakamaaga, mga December ng taong ito namin magagawa ang special election sa Negros Oriental,” sabi ni Garcia.

Noong Martes ay pinagtibay ng Kamara ang isang resolusyon na akda nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, House Majority Leader Mannix Dalipe at House Minority Leader Marcelino Libanan na nagsisertipika ng bakanteng posisyon at nananawagan sa Comelec na magpatawag ng special election.

Hindi pa umano natatanggap ng Comelec ang opisyal na kopya ng resolusyon.