Mendoza

Speed limit, iba pang hakbang mahigpit na ipapatupad sa expressway

Jun I Legaspi May 7, 2025
22 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na palakasin ang kampanya para sa kaligtasan sa kalsada, ipinag-utos ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang mahigpit na pagpapatupad ng speed limit at iba pang mahahalagang hakbang sa kaligtasan sa lahat ng expressway.

Sa isang pulong kasama ang expressway managers sa LTO Central Office sa Quezon City noong Martes, May 6, binigyang-diin ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang pangangailangang tiyakin ang maximum visibility ng lahat ng deputized enforcer sa mga expressway.

“Ang simpleng presensya ng mga enforcer sa expressway ay sapat na para mag-ingat ang mga motorista. Kapag mabilis ang takbo nila, kusa silang magmemenor kapag nakakita ng sasakyan ng enforcer sa daan,” ani Asec Mendoza.

Ipinunto ni Asec Mendoza ang kahalagahan ng presensya ng mga enforcer sa expressway, matapos mapansin ng mga motorista—at base na rin sa sarili niyang karanasan sa pagbiyahe—na tila kakaunti o halos walang enforcer lalo na sa mahahalagang bahagi ng expressway.

Ngunit ang binigyang-diin ni Asec Mendoza sa pulong ay ang aktibong pagmamanman at agarang pagtugon ng mga enforcers sa expressway laban sa mga driver na lumalabag sa batas-trapiko, lalo na ang overspeeding.

“Sa kaso ng overspeeding, kapag na-monitor na may overspeeding gamit ang speed gun. Ang sistema na nakita ko ay aabangan kung saan mag-e-exit at dun huhulihin. Paano kung in between kung saan yung overspeeding unang namonitor at sa exit point ay naaksidente at nakapang-damay pa ng ibang sasakyan? Paano ngayon yun?,” ani Asec Mendoza.

“Kaya kailangan natin maging proaktibo at mabilis sa ating tugon. Dapat doon din mismo, gumawa agad tayo ng mga hakbang upang hulihin na agad upang maiwasan ang aksidente,” kanyang iginiit.

Ayon sa datos mula sa Highway Patrol Group ng Philippine National Police (PNP-HPG), sinabi ni Asec Mendoza na mula sa mahigit 31,000 na aksidente sa kalsada na naitala noong 2024, 13% sa mga ito ay nangyari sa mga expressway.

Ngunit ang malungkot na bahagi ay halos lahat ng 13% na aksidente sa expressways ay nauuwi sa malagim na banggaan.

“Marami pa tayong kailangang gawin. Bilang mga deputized enforcer, kabahagi kayo sa aming tungkulin at mandato na tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista at lahat ng gumagamit ng expressway, anumang oras,” ani Asec Mendoza.