Pacquiao1

Sports development susi sa pagkakaisa at pagkakasundo-sundo -Pacquiao

Mar Rodriguez Apr 4, 2025
17 Views

ANTIPOLO CITY, RIZAL – Naniniwala ang tinaguriang “The People’s Champ” at pambatong senatorial candidate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) na si Manny “Pacman” Pacquiao na malaking papel ang maaaring gampanan ng sports development para muling mapag-buklod buklod ang watak-watak na komunidad at mapagkaisa ang bawat mamamayan sa buong mundo.

Ito ang ibinigay na mensahe ng dating senador sa pagbubukas ng United Nations (UN) Games kung saan binigyang diin nito na ang sports development ay nagsusulong ng pag-asa at pagkakaisa.

Ayon kay Pacquiao, isang malaking karangalan para sa kaniya ang maimbitahan sa pagsisimula ng annual UN Games kaugnay sa pagdiriwang ng International Day of Sports for Development and Peace kasabay ng kaniyang pahayag para sa mga manonood.

Sabi ni Pacquiao na ang sports ay hindi lamang tungkol sa kompetisyon at pagwawagi. Bagkos, ito aniya ay itinuturing na “universal language” sapagkat sa pamamagitan nito ay nagkakaisa at nagkakasundo-sundo ang bawat mamamayan sa buong mundo anoman ang kaniyang lahi at kultura o relihiyon.

“For me, sports is not just about competition or winning. It is about unity, discipline and hope. It brings people together. It breaks down walls, it creates peace,” ani Pacquiao sa kaniyang mensahe.

Pinapurihan din ni Pacquiao ang UN dahil sa paggamit nito sa sports development bilang kasangkapan para isulong ang pagkakaisa ng bawat mamamayan saan man dako sa mundo.

“Sports help us see one another not as enemies but as teamates, challengers and friends,” dagdag pa ng Pambansang Kamao.