Calendar
Sports voucher para sa pagsasanay ng mga batang atleta pasado sa Kamara
PASADO na sa Kamara de Representantes ang isang panukala para makapagbigay ang gobyerno ng sports voucher sa mga batang atleta na kanilang magagamit sa kanilang pagsasanay at pagbili ng mga sports equipment.
Sa botong 275 pabor, inaprubahan ng Kamara ang House Bill (HB) No. 8495 o ang “An Act Strengthening Local Sports Programs to Develop Young Athletes.” Kasama rin sa panukala ang pagbibigay ng pondo para sa mga sports clubs, organizations o asosasyon na kinikilala ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Our victories and triumphs in the last Olympics and the recent South East Asian Games only prove that, with more support for our sports programs, Filipino athletes can certainly dominate the world stage of sports. This is what the bill is trying to achieve by supporting athletes while they are young,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, lider ng 312-miyembro ng Kamara.
Ilan sa may-akda ng panukala ay sina Reps. Yedda Marie K. Romualdez, Jude Acidre, Bai Dimple Mastura, Ramon Jolo Revilla III, Alfred Delos Santos, Lord Allan Velasco, Ernesto Dionisio Jr., Gus Tambunting, Jose Teves, Mujiv Hataman, Rudys Caesar Fariñas I, at Manuel Dalipe.
Sa ilalim ng HB 8495, tatlo ang ilalatag na programa: Get Started Fund, Get Going Fund and Get Playing Fund, na pangangasiwaan ng PSC.
Ang Get Started Funds ay nagkakahalaga ng P3,000 na magagamit sa pagbabayad ng membership, registration, o participation fee, training at general fee at maipambibili rin ng mga gamit ng atleta.
Ang voucher ay maaaring gamitin sa sports club, recreation club, sports association o organization na accredited o kinikilala ng PSC.
Ang bibigyan nito ay ang mga atleta na wala pang 18 taong gulang.
Ang voucher ay hindi maaaring ipagpalit ng cash at hindi maaaring gamitin ng ibang tao.
Ang Get Going Fund at Get Playing Fund ay taunang funding support na nagkakahalaga ng P50,000 at P500,000 para sa mga sports clubs, organisasyon, o asosasyon.
Magagamit ang Get Going Fund sa mga kinakailangan para sa sports development, samantalang ang Get Playing Fund ay para sa pagpapaganda ng sports facilities.