Taguig

SSS pinadalhan ng notice of violation 10 employer sa Taguig

Edd Reyes Oct 22, 2026
84 Views

SAMPUNG may-ari ng mga negosyo sa Taguig City ang pinadalhan ng “notice of violation” ng Social Security Systemm (SSS) bunga ng hindi pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga kawani.

Sa ginanap na pulong-balitaan sa sangay ng SSS sa SM Aura Tower sa Bonifacio Global City, sinabi ni SSS Senior Vice President for NCR Operation Group Benjamin Dolindo, pananagutin nila ilalim ng Security Act of 2018 ang mga employer na hindi tumutupad sa kanilang obligasyon.

Aabot aniya sa P3.9 milyon ang kabuuang pagkakautang ng sampung employer, kabilang ang P2.8 milyon na hindi nabayarang kontribusyon at mahigt sa P1.1 milyon naman sa mga penalties.

Kabilang sa mga binanggit na pinadalhan ng notice of violation ng SSS Taguig Branch ang mga negosyong nagpapatakbo ng restaurant, laboratory, convenience store, barber shop, pagawaan ng noodles, panaderya at retail store na nasa mga lugar ng Brgy. Bambang, Ususan, Tuktukan, at Bonifacio Global City.

Ayon kay Dolindo, sa kabuuan ay walong employer ang hindi nag remit ng buwanang kontribusyon, habang dalawa naman ang hindi nagparehistro sa kanilang ahensiya.

Aabot naman sa 160 na mga empleyado ang apektado ng hindi pagre-remit ng kontribusyon mula sa kanilang employer.