St. Benilde Susi si Will Gozum, na binabantayan ni King Caralipio ng Letran sa Game 2 na panalo ng St. Benilde. NCAA-GMA photo

St. Benilde bumawi sa Letran

Theodore Jurado Dec 13, 2022
276 Views

DINALA ng College of Saint Benilde ang NCAA men’s basketball championship series sa decider makaraan ang 76-71 tagumpay kontra sa three-peat seeking Letran kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Doubtful starter dahil sa ankle injury, pinakawalan ni Migs Oczon ang pinakamalaking basket ng laro, ang turnaround jumper sa huling 20.2 segundo na siyang nagbigay ng kaluwagan sa Blazers sa 75-71.

Nawala para sa Fran Yu, na natawagan ng disqualifying foul matapos sikuhin si Mark Sangco sa isang off-ball play sa 5:29 mark ng second quarter.

Nahaharap sa posibilidad na hindi maglaro si Yu, ang Season 95 Finals MVP, sa Game 3 na nakatakda sa alas-3 ng hapon sa Linggo sa Ynares Center sa Antipolo City.

Nanguna si Will Gozum, na tinanghal na season MVP, para sa Benilde na may 21 points, 10 rebounds at tatlong blocks.

Nagbigay rin ng 21 points at 10 boards si Miggy Corteza bukod pa sa apat na assists habang nag-ambag si Oczon ng 15 points, pitong rebounds at dalawang assists para sa Blazers.

Ito ang unang Finals game win ng Benilde magmula pa noong 2000, nang walisin nila ang San Sebastian para sa kanilang breakthrough NCAA crown.

“We just kept taking it and taking it, but it’s about time we also stood up for ourselves. I’m happy about how we were able to bounce back,” sabi ni Blazers coach Charles Tiu na nagawang palagan ang pisikal na laro ng kanilang katunggali.
Nagsalansan si Brent Paraiso ng 16 points, pitong rebounds at dalawang assists habang nag-ambag sina Louie Sangalang at Kurt Reyson ng tig-11 markers para sa Letran. (Theodore P. Jurado)

The scores:

Benilde (76) — Gozum 21, Corteza 21, Oczon 15, Nayve 10, Pasturan 3, Sangco 3, Carlos 3, Cullar 0, Marcos 0, Davis 0, Lepalam 0, Flores 0, Lim 0.

Letran (71) — Paraiso 16, Sangalang 11, Reyson 11, Caralipio 9, Yu 6, Santos 6, Javillonar 5, Olivario 4, Ariar 3, Guarino 0, Go 0.

Quarterscores: 20-23, 34-45, 64-59, 76-71