Staff ni Bong Go isinabit ni Garma sa pagbibigay ng reward sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspect

38 Views

IDINAWIT ng dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager na si Royina Garma ang isang staff ni Sen. Christopher “Bong” Go na siya umanong pinanggagalingan ng pera na ibinibigay na reward sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspect nang ipatupad ang war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Sa sinumpaang salaysay ni Garma na kanyang binasa sa pagdinig ng House quad committee noong Biyernes, nabanggit nito ang isang “Muking” o “Moking” na tumawag sa kanya upang hingin ang numero ni noon ay PCol. Edilberto Leonardo, ang kinuha upang pangunahan ang pagpapatupad umano ng war on drugs campaign.

Ayon kay Garma, si “Muking” ay naging tauhan umano ni Go sa Davao City Hall noong si Duterte ang alkalde ng lungsod. Nagtrabaho rin umano ito bilang assistant secretary nang si Go ay maging Special Assistant to the President noong nasa Malacañang na si Duterte.

Isiniwalat ni Garma na nakatatanggap ng reward ang mga pulis na nakakapatay ng drug suspects at nababawi ng mga pulis ang kanilang gastos sa operasyon kapag nakapagsampa ng kaso sa korte laban sa mga drug suspect.

Ikinuwento ni Garma na kinausap siya ni Duterte noong 2016 upang maghanap ng pulis na mangunguna sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot at si Leonardo, na kanyang upperclassman sa Philippine National Police Academy (PNPA), ang kanyang ibinigay na pangalan.

“On the same day, a certain individual named ‘Muking’ contacted me by phone to request Leonardo’s contact details, which I promptly provided,” sabi ni Garma.

Sa pag-usisa ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, kinumpirma ni Garma kung sino si “Muking.”

Nagmosyon si Fernandez na ipatawag ng komite si “Muking” na inaprubahan ng overall chairman ng quad committee na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.

“Comsec (Committee Secretariat), please coordinate with the PMS (Presidential Management Staff) and invite the name ‘Muking,’” atas ni Barbers.

Ayon kay Garma, si “Muking” ang nagpapadala umano ng pera kay Peter Parungo, isang non-PNP personnel na siyang namamahala sa pondo na ibinibigay na reward diumano sa mga pulis at pambayad sa kanilang mga gastusin sa operasyon.

Kuwento ni Garma, minsan ay nakita nito na nagkakamot ng ulo si Parungo at nang kanyang usisain ay dahil may pangamba ito na siya ay masita ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

“Naku ma’am baka ma-AMLC na ako kasi every week malalaking amount pumapasok,” sabi umano ni Parungo kay Garma.

“That’s where I learned na siya (Parungo) pala ang pinupuntahan ng pera,” dagdag pa ni Garma.

Si Parungo ay mayroon umanong account sa tatlong bangko.

Binigyan-diin ni Barbers ang kahalagahan na sundan ang money trail at inatasan na ang komite na makipag-ugnayan sa AMLC para matukoy ang pinuntahan at pinaggamitan ng naturang mga pondo.

“Kung ipapahanap natin sa AMLA ang financial transaction sa tatlong bangko na binabanggit, malaki ang pera doon,” ani Barbers.

Ang quad committee ay nagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa kaugnayan ng iligal na mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa kalakalan ng iligal na droga at extrajudicial killings nang ipatupad ang giyera kontra iligal na droga ni Duterte.