Calendar
State visits ni PBBM, malaking ganansiya ng ekonomiya ng PH — Madrona
OPTIMISTIKO ang chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na malaking ganansiya para sa ekonomiya ng bansa ang sunod-sunod na state visit o foreign trips ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Madrona na sa nakikita niya ay maganda ang ibinubunga ng mga state visit ni Pangulong Marcos, Jr. dahil pag-uwi nito ng Pilipinas ay dala-dala niya ang “commitment” ng bansang pinuntuhanan nito sa pamamagitan ng paglalagak ng puhunan o investment.
Bilang chairperson ng Committee on Tourism, ipinahayag din ni Madrona na malaki ang maitutulong ng serye ng foreign trips ng Pangulo para naman sa turismo ng Pilipinas sapagkat inaasahan na maraming dayuhan ang mahihikayat o ma-engganyong bumisita at magbakasyon sa bansa.
“As far as I am concerned he’s coming out okey kasi nakikita naman natin na maraming investments ang nadadala ng ating Pangulo pabalik ng Pilipinas. Pero I’m much interested sa foreign trip niya ngayon sa Germany because it will touch on Maritime, isa ito sa napakalaking impact sa atin,” sabi ni Madrona.
Ipinaliwanag ni Madrona na pumapangatlo ang Maritime industry sa source of income ng ekonomiya. Kaya inaasahan na malaking ganansiya ang makukuha mula sa state visit ng Pangulo dahil usapin ng Maritime ang isa sa mga agenda na matatalakay sa kaniyang pagbisita sa Germany.
Kumbinsido rin si House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Congressman Patrick Michael “PM” D. Vargas na nagbubunga na ang sunod-sunod na foreign trips ni Pangulong Marcos, Jr. partikular na sa usapin ng pamumuhunan dahil sa inaasahang pagpasok ng mga foreign investors.
“Sa nakikita natin ay maganda naman ang ibinunga ng state visit ng Pangulo in terms of investments kasi maraming investors ang mahihikayat na mag-negosyo o mamuhunan dito sa Pilipinas,” sabi ni Vargas.