Suarez

Suarez nanawagan para sa mas murang presyo ng kuryente, mga paglabag ng NGCP sa prangkisa pinuna

20 Views

NANINDIGAN si Quezon 2nd District Representative at Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez na dapat bumaba ang presyo ng kuryente kasabay ng pagpuna nito sa umano’y mga paglabag ng National Grid Corporation of the Philippines’ (NGCP) sa prangkisang ibinigay dito ng Kongreso.

Upang maitaguyod ang accountability at transparency, una na ring iminungkahi ni Deputy Speaker Suarez ang pagsasagawa ng motu propio inquiry noong December 23, 2024 upang suriin ang mga hakbang ng ginagawa ng NGCP at ang pagsunod nito sa mga obligasyon sa kanilang prangkisa.

Binanggit ni Suarez na ang patuloy na pagtaas ng presyo sa kuryente at ang mga brownout sa ilang mga isla sa Visayas ay hindi malulutas kung hindi tutugunan ang mga kakulangan at posibleng paglabag ng mga malalaking kumpanya sa energy sector.

“The National Grid Corporation holds a critical responsibility in ensuring a reliable and cost-efficient transmission of electricity. Any violation of its franchise is a direct affront to the welfare of the Filipino people,” ayon kay Deputy Speaker Suarez.

Layunin ng imbestigasyon na suriin kung natupad ng NGCP ang kanilang mga obligasyon, kabilang ang mga infrastructure investment, grid reliability, at equitable pricing. Ang mga diumano’y paglabag ay nangyayari sa panahon kung kailan ang mga mamamayan ay nahaharap sa malalaking gastusin, kaya’t prayoridad ni Suarez at ilan pang mga mambabatas na makamit ng abot-kayang presyo ng kuryente.

“As public servants, it is our duty to investigate and rectify these lapses that burden millions of households,” ayon kay Suarez.

Kinakailangan ayon kay Suarez ang agarang pagtugon sa mga isyung ito, at pagkaantala sa pag-unlad ng energy infrastructure at mga kakulangan sa transmission system ay nakadadagdag sa pagtaas ng presyo at kakulangan sa suplay ng kuryente.

“Our energy sector must serve the people—not profit-driven interests. This inquiry is only the beginning of a broader effort to ensure that every Filipino household can enjoy affordable, reliable electricity,” dagdag pa ni Suarez.

Kasama sa adbokasiya ni Suarez ang maibaba ang presyo ng kuryente, itaguyod ang paglago ng ekonomiya at iangat ang buhay ng mga karaniwang Pilipino, tulad din ng hinahangad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa pamamagitan ng pagtutok sa pananagutan ng NGCP at pagsasagawa ng mga reporma sa sektor ng enerhiya, kumpiyansa si Suarez na mas magiging sustainable at makatarungan ang sistema ng enerhiya para sa Pilipinas na makakatulong upang maabot ni Pangulong Marcos ang inaasam na pag-unlad ng ekonomiya at matiyak ang abot-kayang enerhiya para sa lahat.