Garin

Subject: Rep. Garin ikinalungkot pagkabigo ng Pulse Asia na makuha tunay na saloobin ng Pinoy sa Cha-cha

135 Views

IKINALUNGKOT ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang kabiguan ng Pulse Asia na makuha sa isinagawa nitong survey ang saloobin ng mga Pilipino kaugnay ng panukalang Charter change (Cha-cha).

Sa isang press conference, pinuna rin ni Garin ang mga tanong sa survey na dahilan kung bakit nasayang ang pagkakataon na makuha ang tunay na sentimyento ng mga Pilipino sa Cha-cha.

“While the company is reputable, siguro hindi naman natin maperpekto, nagkaroon lang baka fixed ‘yung questions,” ani Garin na ang tinutukoy ay ang resulta ng Pulse Asia survey na nagsasabing 74 porsyento ng mga Pilipino ang tutol sa Cha-cha.

“Pero hindi nakita na doon pa lang sa tanong, naiintindihan niyo ba o alam niyo ba ano ang laman ng Konstitusyon ng Pilipinas? Seventy-five percent said ‘no, hindi namin alam.’ Dapat nagpalit na ng mga katanungan or dapat ‘yung subsequent tanong dun ka lang nagtanong sa 25% so that the results will really be reflective of the sentiments of the Filipino people. Kaya parang sayang kasi lumalabas na parang walang gaanong bisa,” punto ni Garin.

Ayon kay Garin ang mga tanong gaya ng posibilidad na hindi magkaroon ng halalan, pagpapalawig ng termino ng mga naka-upo, pagbabago ng istraktura ng pamahalaan ay maaaring nagdulot ng kalituhan sa mga respondent. Ang mga panukalang ito ay kasama umano sa pagbabagong isinusulong ng nakaraang administrasyon.

Ipinunto ni Garin na ang mga ito ay wala sa kasalukuyang panukalang pagbabago sa Saligang Batas na limitado lamang sa pag-amyenda sa economic provisions.

“The bigger problem is that hindi naman ito ang mga pinag-uusapan sa Cha-cha ngayong administrasyong ito. Itong mga tanong na ito ay kaakibat ng Cha-cha na pinag-usapan during the previous administration,” paliwanag ni Garin.

“So nung nagkaroon ng call for federalism, call for no election, call for extension ng term, call for a shift to a unicameral system of government, this was all during the Duterte administration. Ito ang Cha-cha proposal sa panahon ni Pangulong Duterte,” sabi nito.

Iginiit ni Garin na malinaw na ang Resolution of Both Houses No. 7 ay nakatuon lamang sa pagbabago sa tatlong economic provisions at wala ng iba pa.

“Sa panahon ngayon ang pinag-uusapan na Cha-cha ay ‘yung mga pagbabago para sa kapakanan ng Pilipino at ng bawat pamilyang Pilipino. Anong pinag-uusapan dito? Mas magandang edukasyon, mas murang logistical cost para kapag mura ang pasok ng mga produkto sa Pilipinas ibig sabihin iyong pamasahe ay mura, magmumura rin ‘yung lahat ng mga bilihin. Andoon din ‘yung problema sa kuryente, tubig, internet and of course, ads,” sabi pa ng lady lawmaker.

“Kasi kung tingnan mo sa mga katanungan sa survey tila naging chopsuey na sinama ‘yung mga proposals during the Duterte administration and the current administration. So syempre kung ikaw ‘yung tatanungin, pabor ka ba sa economic Cha-cha o pabor ka ba na walang election ay hindi naman iyan iyung totoo. So that will result in a lot of confusion,” wika pa nito.

Nang tanungin kung maaaring minanipula ang resulta ng survey, sagot ni Garin “It’s difficult to presume but we believe that’s for Pulse Asia to answer kasi siyempre nakasalalay din diyan iyong reputasyon ng kanilang organization.”

Pinuna rin ni Garin na batay sa survey ng Pulse Asia nasa halos 75 porsyento ng mga respondent na tutol sa Cha-cha ay walang sapat na kaalaman sa isyu.

“Dapat iyong mga respondents mo dapat naiintindihan nila iyong Konstitusyon kasi iyon ang pinag-uusapan. Kaya po ang sinasabi ko sayang iyong survey kasi iyong conclusion nila na 75% ang ayaw e iyong mga tinanong mo 75% doon sa tinanong mo ay hindi alam kung ano ang tinatanong mo,” sabi pa nito.

“So, it’s not really that pwede siyang lumapit doon sa ‘garbage in, garbage out.’ Ang maganda lang doon sa survey ay nakita natin 75% pala ay hindi alam na iyong ating Konstitusyon ay de kahon at very inflexible at ito ang rason na iyong mga gusto nilang pagbabago sa Pilipinas ay hindi nababago dahil nakakahon ang isang batas.”

Sinabi ni Garin na ang pagpapaliwanag sa publiko ng kahalagahan ng Cha-cha bago ang pagsasagawa ng plebisito ay magiging mahalaga upang makapagdesisyon ng tama ang mga botante.

“The Pulse Asia survey, one reliable conclusion that I can get from there is the need for a plebiscite. Dahil ang plebisito ay magbibigay daan para ‘yung mga tao pag-usapan ito at maintindihan nila, ano ba ang Konstitusyon ng Pilipinas ngayon? ‘Ay, di kahon pala siya masyado, ay ganyan pala ‘yan kaya pala nahihirapan kami,’” sabi pa ni Garin.

“Moving forward, kaya napakaimportante na magkaroon ng plebesito because, before the plebiscite at ilang mga buwan ‘yan sabihin nating magsimula ng plebesito is next year magkaroon ng walong buwan na nagsasalita ang lahat ng mga tao,” saad pa nito.

“Kapag may plebesito mapag-uusapan ito, it will now be a discussion in the table where family is, in the house for family get-together, sa mga reunion, sa mga okasyon, maski sa school at kapag pinag-usapan ‘yan at nagkakaroon ng mga awareness, people will be able to decide intelligently.”

“Made-decipher nila ano ba itong pinag-uusapan, ano ba itong economic Cha-cha kasi may plebesito, boboto sila ng yes or no so before bumoto aalamin nila,” dagdag pa ni Garin.