Calendar
Subpoena inilabas vs nag-notaryo sa affidavit ni Madriaga
Naglabas ng subpoena ang House Committee on Justice laban sa abogadong nag-notaryo sa affidavit ni Ramil Lagunoy Madriaga, na nag-uutos sa kanya na humarap at magsumite ng mahahalagang dokumento kaugnay ng mga reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte, habang pinaiigting ng panel ang pangangalap ng ebidensya bago ang mga pagdinig sa Abril.
Sa isang “subpoena ad testificandum et duces tecum,” inatasan ng komite si Atty. Cynthia Viñas-Pantonal na dumalo sa pagdinig na itinakda sa Abril 14, 2026, sa House of Representatives sa Quezon City.
“Ikaw ay inaatasan na humarap sa pagdinig ng Committee on Justice sa Abril 14, 2026, alas-10:00 ng umaga, sa ikalawang palapag ng People Center, House of Representatives, at magsumite ng mga sumusunod na dokumento hindi bababa sa limang (5) araw na trabaho bago ang nasabing pagdinig,” ayon sa utos.
Inaatasan din ng subpoena ang pagsusumite ng orihinal na affidavit ni Ramil Madriaga, na may petsang Nobyembre 29, 2025, na siyang innotaryuhan ng abogado.
“Ikaw ang nag-notaryo sa Affidavit ni G. Madriaga. Kakailanganin ang iyong testimonya upang matukoy at mapatunayan ang mga kopya ng Affidavit ni G. Madriaga na kalakip sa mga reklamong impeachment,” ayon sa komite.
Ang kautusang ito ay bahagi ng nagpapatuloy na pagdinig ng panel hinggil sa mga beripikadong reklamong impeachment laban kay Duterte na inendorso ng ilang mambabatas.
Ang dokumento, na may petsang Marso 31, 2026, ay inilabas sa kapangyarihan ng Committee on Justice chairperson na si Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas at nilagdaan ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, na pinatotohanan ni House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng mga pagdinig ang House panel upang tukuyin kung may probable cause sa mga reklamong impeachment—isang mahalagang hakbang bago posibleng maipasa ang kaso sa Senado para sa paglilitis.

