Valeriano

Suhol para sa pirma sa PI paninira lang sa liderato ni Speaker Romualdez — Valeriano

Mar Rodriguez Jan 12, 2024
142 Views

ITINUTURING ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na isang paninira sa liderato ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang alegasyon patungkol sa inaalok na P2 million bawat kongresista para magpa-pirma kaugnay sa isinusulong na People’s Initiative (PI)`! para sa pag-aamiyenda sa Konstitusyon.

Naninindigan si Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na isang malaking kasinungalingan umano ang mga kumakalat na alingasngas o alegasyon hinggil sa diumano’y suhulan para lamang maisakatuparan ang PI para amiendahan ang Saligang Batas.

Binigyang diin ni Valeriano na kung tutuusin ay hindi na kailangang bayaran o kaya ay suhulan ang mga kongresista patungkol sa pagsusulong ng tinatawag na Constitutional reforms na makakatulong para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino at magpapaunlad sa ekonomiya ng bansa.

Ipinaliwanag ng kongresista na maaaring may ilang grupo ang gumagamit sa isyu ng suhulan sa Charter Change (Cha-cha) at pagpapakalat ng fake news para lamang pasamain ang imahe ng Kamara de Representantes partikular na si Speaker Romualdez.

Muling nanindigan si Valeriano na mas dadami ang mapapasukang trabaho ng mga Pilipinong umeployed o walang trabaho sakaling matuloy ang isinusulong nap ag-aamiyenda sa Saligang Batas lalo na sa economic provision para makapasok sa bansa ang mga foreign investors.

Sinabi ni Valeriano na malaki ang maitutulong ng pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan para maraming mamamayan ang makakuha ng mapapasukang traabaho upang lalong mabawasan ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho na magpapa-unlad din sa ekonomiya ng bansa.

“Ang issue dito ay ang pagpapa-unlad sa ating bansa. Ang hindi ko lubos na maintidihan eh’ bakit kailangang magkaroon ng bayaran para lamang isulong ang People’s Initiative? Tungkulin namin mga congressmen ang isulong ang interes ng mamamayan. So bakit pa kami kailangang bayaran? Malinaw na ito ay isang paninira sa liderato ng Kongreso,” ayon kay Valeriano.