Bro. Marianito Agustin

Suklian natin ng pag-ibig ang karahasan (Mateo 5:28-42)

34 Views

“Narinig ninyo na sinabi. Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong labanan ang masasamang tao. Kung may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kaniya ang kabila”. (MATEO 5:38-39)

NITONG mga nagdaang buwan, mas nagiging madalas ang mga kaso ng “road rage”. Parang hindi kayang kontrolin ng pamahalaan ang serye ng karahasan sa mga lansangan dulot ng init ng ulo at sobrang poot sa panig ng mga motorista. Anoman ang ugat o pinaghuhugutan ng kanilang galit ay hindi na mahalaga. Ang dapat bigyan ng kaukulang pansin ay ang kawalan ng pasensiya o hinahon ng mga nagmamaneho sa kalsada.

Hindi ako isang eksperto subalit maaari kong ipahayag na marahil ang isa sa mga pinagmumulan ng road rage sa pagitan ng mga motorista ay ang “PRIDE” o ang salot na “KAYABANGAN” na lumulukob sa isang tao kaya humahantong sa karahasan ang isang napaka-simpleng problema sa kalsada.

Ang pakiramdam kasi ng isang motorista na nasaling ang kaniyang pagka-lalake o nasaling ang kaniyang pride kapag siya ay nauungusan o nao-overteykan ng kapwa niya driver. Kaya ang gagawin niya ay makikipag-unahan din siya hanggang sa sila’y magka-gitgitan.

Minsan, ayaw nilang magbigayan, ayaw nilang magparaya kaya nagkabanggan ang kanilang mga sasakyan. Ang lahat ng ito ay dulot ng kawalang kamatayang “PRIDE”. Dahil nga sa ayaw nilang magbigayan, ayaw din nilang magparaya, kaya ang awayan sa kalsada ay humahantong sa “mata sa mata at ngipin sa ngipin” sa pagitan ng dalawang mayabang na motorista na kapwa mataas ang ere.

Ito ang tema ng Mabuting Balita (MATEO 5:38-42) tungkol sa aral ng “pagpaparaya” o ang hindi natin paghihiganti sa taong nakasakit sa atin o kaya naman ay gumawa sa atin ng hindi maganda.

Sa halip na tayo ay maghiganti, itinuturo sa atin ang pagpapakumbaba.

Ang tanong lamang ay kung kaya ba nating magparaya sa taong sumaling ng ating pagkakalaki? Minsan, ang feeling kasi natin ay nabawasan ang ating pagkalalaki dahil sa kanilang ginawa o kaya naman ay lalabas tayong duwag kung hindi tayo maghihiganti. Iyan ang “pride” na umaakyat sa ating utak kaya hindi natin magawang huminahon at magtimpi ng ating galit.

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na sa halip na tapatan natin ng galit ang kahalintulad na galit ng ating kapwa ay suklian na lamang natin ito ng malawak na pang-unawa at napakahabang pasensiya.

Hindi naman literal na kailangan natin ipasampal ang ating kabilang pisngi sa ating kaaway.

Ang ibig lamang nitong ipakahulugan ay kung ginawaan nila tayo ng hindi maganda. Ito ay huwag na lamang natin suklian ng karahasan o mas higit na paghihiganti laban sa taong nakasakit sa atin. Ito ay kung kaya ba natin itong gawin alang-alang sa kapayapaan ng bawat isa at pag-iwas narin sa gulo.

Ano ba ang mapapala natin sakaling tayo ay maghihiganti sa taong nakasakit sa atin? Saan ba hahantong ang paghahasik natin ng karahasan? Hindi ba’t ganitong ganito ang nangyari noong nakalipas na gobyerno? Ang paglulunsad ng takot, karahasan at kaliwa’t-kanang pagpatay ang inaakala nilang tanging solusyon sa malalang problema ng krimen at laganap na illegal na droga.

Nabawasan ba ang kriminalidad? Nabawasan ba ang laganap na illegal na droga? Ginamit nila ang mata sa mata at ngipin sa ngipin. Subalit saan ito humantong? Hindi ba’t pati ang mga inosenteng tao na wala naman kaugnayan sa illegal na droga ay napatay?

Tandaan lamang natin na ang taong marahas o mapusok ay hindi kailanman makakaisip ng mapayapang solusyon sa isang problema. Ang agad-agad nitong maiiisip na ang karahasan ay dapat tapatan din ng isa pang karahasan.

TULARAN NATIN ANG PUSO NI JESUS:

“Huwag kayong gumanti ng masama sa masama sa sinoman. Magkaloob nga kayo ng mabubuting mga bagay sa harap ng mga tao. Kung maaari, yamang ito ay nasasa-inyo. Mamuhay kayong may kapayapaan sa lahat ng tao. (ROMA 12:17-19)

Kung susundin natin ang lumang kautusan na “mata sa mata at ngipin sa ngipin”. Ano na lamang ang mangyayari sa ating mundo. Ang mga kasalukuyang karahasan ay mas lalo pang lulubha.

Mistulang binubuhusan natin ng gasolina ang nagliliyab ng apoy. Hindi ba’t ang isang nagniningas na ay magiging malaking sunog.

Hinahamon tayo ng ating Ebanghelyo na bilang mga Kristiyano at taga-sunod ng ating Panginoong HesuKristo. Tayo ang dapat na manguna sa pagpapakita ng hinahon, pagtitimpi at pagbibigay ng ehemplo para sa mga taong nilalamon ng poot ang kanilang buong pagkatao at para sa mga taong namumuhay sa “macho image” na kapag sila ay hindi gumanti para bang pakiramdam nila ay
nakakabawas ito ng kanilang pagkatao o kaya ay lalabas silang kahiya-hiya sa paningin ng ibang tao.

Bilang mga mananampalataya ni Jesus. Hinahamon din na magsilbing halimbawa para sa iba na ang karahasan ay walang puwang sa isang Kristiyanong lipunan sa pamamagitan ng paghahasik natin ng pag-ibig sa mga taong bayolente gaya ng pag-ibig ni Kristo sa mga taong gumawa sa kaniya ng karahasan. Sukdulang, ipapako siya sa Krus na humantong sa kaniyang kamatayan.

Kung tayo’y tunay na mananampalataya ni Jesus. Hinahamon tayo ngayon na tularan natin ang puso ni Kristo. Ang puso ng Diyos na punong-puno ng pag-ibig at pagpapakumbaba. Nagbigay si Jesus ng isang ehemplo na dapat nating tularan. Hindi lamang basta simpleng tularan kundi kailangan natin itong isa-puso at isa-buhay.

“Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkakatawag sa inyo ng Diyos. Sapagkat nang si Kristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan. Hindi siya gumanti.

Nang siya’y pahirapan, hindi siya nagbanta, sa halip. Ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungang kung humatol”. (1PEDRO 2:21-24)

Ang aral na itinuturo sa atin ngayon ay napaka-simple. “HUMILITY” o ang kababaang loob. Huwag natin hayaan na manaig ang galit dahil kung magpapadala tayo sa ating poot tiyak na ito ang magbubulid sa atin sa kapahamakan. Tandaan natin na kapag hinayaan natin na lamunin tayo ng galit. Laging nasa huli ang pagsisisi.

AMEN