QCPD

Sumbong ng kidnapping sa tapat ng QC cafe fake news

16 Views

FAKE news ang kumalat na ulat tungkol sa umano’y tangkang kidnapping sa harap ng Cara Cafe sa Esteban Abada Street, Barangay Loyola Heights, Quezon City, noong Oktubre 21, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

Ayon sa paunang imbestigasyon, nakatanggap ang isang security guard ng sumbong mula sa isang hindi nakilalang indibidwal tungkol sa dalawang lalaking kahina-hinala umano ang kilos. Gayunman, wala na ang mga ito nang beripikahin ng guwardiya ang ulat.

Sinuri rin ng pulisya ang mga kuha ng CCTV mula sa Studio A at Barangay Loyola Heights, ngunit walang nakitang ebidensya ng tangkang kidnapping o anumang kahalintulad na insidente. Wala rin umanong naitalang kaugnay na insidente sa barangay.

Patuloy na iniimbestigahan ng QCPD ang naturang social media post at tinatangkang makontak ang nag-upload nito upang makakuha ng karagdagang impormasyon.

Hinimok naman ng pulisya ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.