Calendar
Sumuporta sa BPSF Davao na kongresista umabot ng 183
UMABOT sa 183 kongresista ang pumunta sa Davao City para ipakita ang suporta sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) noong Huwebes kung saan bilyong halaga ng ayuda at serbisyo ang ipinamigay.
Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kasama sina Tingog Reps. Yedda K. Romualdez and Jude A. Acidre, DUMPER PTDA Rep. Claudine Diana D. Bautista-Lim, PBA Rep. Margarita “Migs” Nograles at MARINO Rep. Sandro L. Gonzalez ang paglulungsad ng dalawang araw na event.
“Ating ikinagagalak ang patuloy na pagtangkilik ng mga mambabatas sa ating BPSF.
This is especially timely since we are now in the budget season and every House member here sees the importance of allocating funds for government services and financial assistance programs,” ani Speaker Romualdez.
“Ngayon, hindi na tayo mahihirapang kumbinsihin ang ating mga kasama sa Kongreso kasi nakikita naman nila ng personal kung paanong nakakatulong sa ating mga kababayan ang bawat pisong inilalaan natin sa ating social amelioration programs tulad ng AICS, AKAP, TUPAD at iba pa,” dagdag ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.
Ang Davao City ang ika-23 yugto ng BPSF at ng serbisyo caravan na inorganisa katuwang si Sec. Leo Tereso Magno, ang hepe ng Mindanao Development Authority (MinDA).
Sa isang taong kasaysayan ng BPSF, ang ginanap sa Tacloban City ang mayroong pinakamaraming kongresista na dumalo na umabot sa 242.
Nakasama rin dito ang 12 gobernador, tatlong vice governor, siyam na mayor at 16 na opisyal mula sa Executive Department.
Para sa Davao City BPSF, kasama sa dumalo sina Sen. Bong Revilla, Guimaras Gov. JC Rahman A. Nava, Cotabato Gov. Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza, Misamis Oriental Gov. Peter M. Unabia at Zamboanga del Sur Gov. Victor J. Yu.
Kasama sa mga lider ng Kamara na pumunta sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Deputy Speakers Yasser Alonto Balindong, David “Jayjay” Suarez, Raymond Democrito Mendoza, Roberto Puno, Kristine Singson-Meehan, Duke Frasco, Tonypet Albano at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe.
Nasa kabuuang P1.2 bilyong halaga ng serbisyo at financial assistance ang dinala ng BPSF sa Davao City para sa 250,000 benepisyaryo.