Sunog Patuloy pa rin ang pagliyab ng apoy sa Aroma, Tondo Manila na tumupok sa mga tenement buildings at kabahayan. Kuha ng Manila DRRMO

Sunog sa Tondo nagpabagal sa trapiko

Jon-jon Reyes Sep 14, 2024
114 Views

NASUNOG ang mga kabahayan at tenement buildings sa Road 10 sa Vitas, Tondo, Maynila sa hindi pa malamang dahilan.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), alas-12:23 ng tanghali nang nagsimulang sumiklab ang sunog na itinaas sa Task Force Brave dala ng makapal na usok dahil sa lakas ng apoy.

Sa dami ng mga fire truck na rumesponde, sumikip ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Road 10.

Base sa impormasyon, unang tinupok ng sunog ang Bldg. 23 hanggang 27 at mabilis na lumaki ang apoy.

Karamihan din sa mga bahay na nasunog gawa sa kahoy kaya mabilis ang pagkalat ng apoy na sinabayan pa ng malakas na hangin.

Pahirapan ang mga bumbero sa pag-apula dahil sa lawak na ng nasusunog na mga kabahayan kaya tumulong na ang Philippine Air Force 505th Search and Rescue Brigade sa pag-apula ng sunog.

May dala itong bambi bucket na may lamang tubig at ibinuhos sa mga nasusunog na kabahayan.

Nagkalat naman ang mga residente sa kahabaan ng Road 10 pati ang mga gamit na kanilang mga naisalba.

Wala pang impormasyon tungkol sa dahilan ng pagsiklab, dami ng apektadong residente at kabuuang pinsala ng sunog.