Calendar
Screen grab mula sa post ni Peejay Sibug
Super kalan sumabog sa kusina, 3 lalaki, 3 babae sugatan
ANIM ang sugatan, kabilang ang tatlong lalaki at tatlong babae, sa nangyaring malakas na pagsabog ng tangke ng super kalan sa kusina ng isang bahay Miyerkules ng umaga sa Navotas City.
Nakuhanan pa ng CCTV ang nangyaring pagsabog dakong alas-9:27 ng umaga sa Blk 33 Matang Baka St. Brgy. NBBS-Dagat-dagatan na hinihinalang dulot ng pagsingaw ng tangke ng super kalan habang sinisindihan ang burner nito.
Nalapnos ang buong katawan ng 47-anyos na si alyas “Analiza” na nakaratay ngayon sa Navotas City Hospital na magluluto sana ng panindang mais, pati na rin ang dalawa niyang anak na lalaki na sina alyas “Jhenrix”, 24, na lapnos ang braso, katawan at paa, at alyas “Angel” 13, na nasunog ang mukha katawan at braso. Kapwa sila naka-confine sa Tondo Medical Center.
Nasa Intensive Care Unit (ICU) naman ng Tondo Medical Center ang 56-anyos na si alyas “Mayette” matapos masunog ang halos buong katawan, habang nakaratay din sa naturang pagamutan si alyas “Albert”, 31, na lapnos din ang buong katawan. Ang dalawa ay kapuwa bisita ng pamilya nang mangyari ang insidente.
Nasugatan din ang kapitbahay ng mga biktima na si alyas “Maricris”, 45, na nagtamo ng sugat sa noo bagama’t pinauwi na matapos lapatan ng lunas sa Navotas City Hospital.
Nadamay din ang isa pang ginang na nasira ang damit at halos mahubaran na nakita pa sa CCTV habang naglalakad na umuusok pa ang likurang bahagi ng ulo samantalang tatlong bata naman na naglalaro sa labas ang muntik na ring mahagip ng mga debris at bumagsak na tolda at payong.
Bahagya ring nagkaroon ng sunog sa lugar na kaagad namang naapula ng mister ng ginang na si Angelito.
Nagpaalala naman ang Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Navotas sa mga residente na iwasang gamitin sa loob ng kanilang bahay ang super kalan na idinisenyo lamang na pang-outdoor dahil nakapatong mismo ang burner nito sa tangke.

