SG

Superman sekyu na lumaban sa 5 holdaper inulan ng biyaya

Edd Reyes Aug 20, 2024
71 Views

WALANG patid ang biyaya at suporta sa security guard na mag-isang nakipagbarilan sa limang holdaper at nakapatay ng lider ng mga holdaper na nang-holdap noong Agosto 14 sa Makati City.

Muling tumanggap ng cash incentive at pagkilala ang sekyu na si alyas Roco mula sa Beta Sigma Fraternity sa pangunguna ni Jay-Jay Jayme sa simpleng seremonyang ginanap noong Martes sa punong himpilan ng Southern Police District (SPD) na pinangunahan ni P/BGen. Leon Victor Rosete, SPD director.

Nauna ng tumanggap ng parangal noong Agosto 17 si S/G Roco mula kay P/Col. Edward Cutiyog, hepe ng Makati Police Station, habang ipinasok din siya sa programang alternative Learning System (ALS) ng Community Affairs Section sa Maria Rodriguez Tinga High School.

Pinagkalooban na rin ng SPD at Makati police ng cash incentives at certificate of recognition si S/G Roco noong Agosto 15, isang araw makaraan siyang makipagbarilan sa limang holdaper na nanloob sa binabantayan niyang tindahan ng prutas sa Gil Puyat Avenue, malapit sa Osmena Highway.

Ayon kay Rosete, ang patuloy na suportang tinatanggap ni Roco dahil sa pagpapakita niya ng katapangan at dedikasyon sa trabaho.