Calendar
House spokesperson Atty. Princess Abante
Suporta kay Speaker Romualdez matatag: Pagkakaisa daan sa tunay na serbisyo — House spox
SA gitna ng mga usapin kaugnay ng hindi pagpirma ni Cebu Rep. Duke Frasco sa manifesto ng suporta para kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, nananatiling malinaw ang paninindigan ng liderato ng Kamara: ang suporta ay kusang loob, hindi pinipilit—at higit pa riyan, nananatiling buo ang pagkakaisa ng mga miyembro.
“Sa Kamara po, malinaw ang prinsipyo: ang suporta ay hindi ipinipilit. Ito ay kusang loob na desisyon ng bawat kinatawan—at iyan ay iginagalang ng ating liderato,” ayon kay Atty. Princess Abante, opisyal na tagapagsalita ng House of Representatives.
Sa kasalukuyan, 285 miyembro ng Kamara na ang nagpahayag ng kanilang suporta para sa pagpapatuloy ng liderato ni Speaker Romualdez sa ika-20 Kongreso.
Kabilang dito ang matibay na suporta mula sa mga kinatawan ng Gitnang Kabisayaan, na kamakailan lamang ay nagpakita ng kanilang pagkakaisa at pagtutok sa mga programang pangkaunlaran para sa rehiyon.
“Sa rehiyon ng Central Visayas, matibay rin ang ipinakitang pagkakaisa ng mga mambabatas. Kamakailan, nagtipon sina Cebu Rep. Emmarie ‘Lolypop’ Ouano-Dizon, Cebu Rep. Rhea Mae Gullas, Cebu Rep. Eduardo Rama Jr., Cebu Rep. Edsel Galeos, Cebu Rep.-elect Ahong Chan, Bohol Rep. Maria Vanessa Aumentado, Bohol Rep. Kristine Alexie Tutor, at Siquijor Rep. Zaldy Villa kasama si Speaker Romualdez,” ani Abante.
Tinalakay sa naturang pulong ang mga pangunahing panukalang batas at programang pangkaunlaran para sa Rehiyon VII, na nakaayon sa Bagong Pilipinas na isinusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Tahimik man ang pulong, malinaw ang mensahe: pagtibayin ang pagtutulungan upang mas mapabilis ang serbisyo sa mamamayan,” dagdag pa ni Abante.
Binigyang-diin din ni Abante na sa panahon ngayon na maraming Pilipino ang dumaranas ng kahirapan, mas mahalaga ang pagkakaisa sa Kamara upang maipasa ang mga batas na may direktang epekto sa kabuhayan ng bawat pamilyang Pilipino—mula sa murang pagkain, libreng gamutan, trabaho para sa mga manggagawa at magsasaka, hanggang sa suporta sa maliliit na negosyo.
“Sa panahong maraming Pilipino ang nangangailangan, ang pagkakaisa sa Kongreso ay hindi usaping pampulitika lamang. Ito po ang susi upang maisulong ang mga batas na may konkretong epekto sa buhay ng bawat pamilyang Pilipino,” wika niya.
Sa halip na sagutin ang bawat ingay, mas pinipili ni Speaker Romualdez ang manindigan sa tahimik ngunit epektibong paglilingkod.
“Kaya sa halip na tumuon sa ingay, mas pipiliin ng ating lider na si Speaker Romualdez na manindigan sa katahimikan ng tunay na paglilingkod,” ani Abante.
At bilang pagtatapos, sinabi ni Abante: “Hindi mahalaga kung sino ang hindi pumirma. Mas mahalaga kung sino ang patuloy na naglilingkod.”

