Calendar

Suporta ng BI sa pagpapalakas ng turismo ng bansa ikinagalak
IKINAGALAK ng Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang ibinibigay na suporta ng Bureau of Immigration (BI) para sa pagbangon ng turismo na inaasahang lalo pang magpapalakas sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sabi ni Madrona na batay sa datos na inilabas ng ahensiya, nakikita nito na malaki na ang inasenso ng Philippine tourism mula ng buligligin ang bansa ng COVID-19 pandemic na nagsimula noong 2020. Kung saan maraming negosyo ng turismo ang lubhang naapektuhan kabilang na ang mga hotels, beach resorts at mga tourist destinations.
Ayon kay Madrona, sa inilabas na datos ng BI. Nakapagtala ang Pilipinas ng kabuuang 14,733,597 international arrivals noong 2024 na maituturing na isang malaking pagbangon ng turismo na halos kasing taas ng pre-pandemic level na umabot naman sa 17,085,097 noong 2019.
Dahil dito, pagbibigay diin ng Chairman ng Committee on Tourism na ipinapakita lamang ng datos na unti-unti na talagang nakakabangon ang turismo ng bansa mula sa masamang epekto na idinulot ng pandemiya dahil ang Philippine tourism ang isa sa mga pangunahing “casualty” o biktima ng COVID-19 matapos magpataupad ng total lock-down ang dating administrasyon na naglimita sa pagpasok ng mga turista.
Pinapurihan ni Madrona ang BI dahil sa suportang ibinibigay nito para sa pagpapaunlad ng turismo sa pamamagitan ng pagpapadali at modernisasyon ng mga pamamaraan ng pagpasok ng mga turista sa Pilipinas.
Samantala, pinangunahan ng kongresista ang pagpapasinaya ng bagong talagang Secondary Principal ng Ferriol National High School sa Romblon na si Gng. Blessie A. Tubi.
Ipinahayag ni Madrona ang kaniyang buong suporta para sa mga mag-aaral at school officials ng nasabing paaralan sa pamamagitan ng pagkakaloob nito ng tulong at iba pang pangangailangan ng Ferriols National High School.