Martin

Suporta ng Kamara maaasahan ni PBBM

197 Views

MAAASAHAN umano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang suporta ng Kamara de Representantes sa pagpasa ng mga panukala na kailangan upang matugunan ang mga isyung binanggit nito sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.

Ito ang siniguro ni Speaker Martin G. Romualdez na bahagi ng delegasyon ng Pilipinas sa APEC kung saan binigyan-diin ng Pangulo ang pangangailangan na magtulungan ang mga nasyon sa Asia-Pacific region upang matiyak ang suplay ng pagkain, mapalakas ang global health system, at makagawa ng mga hakbang kaugnay ng climate change.

“We totally agree with the President’s assessment that these issues present serious obstacles on our path to recovery. He can count on the unwavering support of the House for the passage of measures addressing these issues of concern,” ani Romualdez.

Sinabi ni Romualdez na marami sa mga panukala na napagkasunduang gawing Common Legislative Agenda (CLA) ng Legislative-Executive Advisory Council (LEDAC) ay tutugon sa mga isyu na binanggit ng Pangulo sa APEC Summit.

Kasama umano rito ang Department of Water Resources Bill, Land Use Act, at Condonation of Unpaid Amortization and Interests of Loans of Agrarian Reform Beneficiaries bill na makatutulong sa pagpaparami ng produksyon sa sektor ng agrikultura.

Ang panukalang Medical Reserve Corps bill, National Disease Prevention Management Authority bill at Virology Institute of the Philippines bill ay magpapalakas naman umano sa kakayanang medikal ng bansa.

Ang pagpapalaki naman umano ng suplay ng kuryente na nanggagaling sa green at renewable sources ay maaaring isama sa panukalang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Kung mayroon pa umanong ibang panukalang batas na hihilingin ang Marcos administration ay malugod umano itong pag-aaralan ng Kamara.

Sinabi ni Romualdez na maaari ring baguhin ang ilang programa ng mga ahensya ng gobyerno upang makatugon sa mga isyung nabanggit ni Marcos sa pamamagitan ng pag-amyenda sa panukalang P5.268 trilyong budget para sa susunod na taon.

“In the bicameral conference committee, after the Senate has approved its own version of the proposed 2023 budget, we can help fine-tune the funding of concerned agencies to build their capacities at addressing these pressing problems,” saad pa ni Romualdez.