BBM

Suporta ng mga Pilipino susuklian ni PBBM ng mas maginhawang buhay

201 Views

NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na susuklian nito ang suporta na kanyang natatanggap sa mga Pilipino ng maayos na pagseserbisyo upang mapaginhawa ang buhay ng mga ito.

“Kaya po hindi po namin ititigil, hindi ko po makalimutan ang init ng inyong pagsuporta, hindi ko po makakalimutan. Kaya’t lagi kong iniisip the support and the affection that I receive from you I have to pay back. And if it takes the rest of my life, I will happily spend the rest of my life paying it back to you,” ani Pangulong Marcos.

Sa kanyang pagpunta sa Cebu, binisita ng Pangulo ang ilan sa mga proyekto ng gobyerno sa probinsya gaya ng Cebu City Bus Rapid Transit System at Pambansang Pabahay Para sa Pilipno program (4PH).

“Sinamahan po kami sa aming pag-iikot galing po kami sa Cebu City at ininspeksyon lang namin ‘yung bagong Kadiwa na dinala na namin sa Cebu City,” sabi ng Pangulo.

“Dahil alam naman natin ngayon kahit na nabawasan na ang pandemya, mayroon pa ring tayong mga problema. Kaya’t patuloy pa rin at sinimulan namin ‘yung Kadiwa noong Pasko. Ang tawag namin ‘Kadiwa ng Pasko,’” dagdag pa ni Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na ipinaalala sa kanya ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na ito ang unang pagbisita niya sa probinsya mula ng matapos ang 2022 elections.

“Nagulat din ako kasi parang kailan lang ay nandito tayo at nagkakampanya at… Kaya naman ito na ‘yung aking unang pagkakataon na maibigay sa inyo ang aking pasasalamat sa inyong tulong, sa inyong suporta, sa inyong pag-alala hindi lamang noong nakaraang kampanya, hindi lamang noong halalan ngunit tuloy-tuloy hanggang ako’y nakaupo na kayo’y nandiyan pa rin at nararamdaman ko pa rin ang inyong pagmamahal, ang inyong suporta,” wika pa ng Pangulo.

“Kaya’t nandito tayo ngayon ulit nagpapasalamat ako sa inyo at sinisimulan na natin ang ating pinag-usapan, ang ating mga nabanggit na problema na hinaharap ng ating lipunan. Kaya naman tayo ngayon ay nandito para makapagbigay ng kahit kaunting tulong sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.