Calendar

Suporta ng mga taga-Dumaguete kay PBBM noong 2022 makakamit din ng APBP senatorial candidates ngayong eleksiyon
DUMAGUETE CITY – KUMPIYANSA ang tinaguriang “the people’s champ” at dating Senator Manny “Pacman” Pacquiao na maililipat din sa 12 senatorial candidate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) ang suporta at tagumpay na nakamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. noong nakaraang 2022 presidential elections matapos na makuha nito ang “overwhelming” o solidong suporta at boto ng buong mamamayan ng Negros Oriental.
Sa isang press conference na ginanap sa lalawigang ito, nagpahayag ng malaking paniniwala o optimistiko si Pacquiao na kung gaano kalaki ang suportang ibinigay ng mga mamamayan ng Negros Oriental kay President Bongbong Marcos, Jr. noong nakalipas na presidential race ay ganito rin ang ibibigay nila ngayon sa mga kandidato ng administrasyon.
Ipinaliwanag ni Pacquiao na wala silang pag-aalinlangan na mananalo rin ang buong senatorial line-up sa Negros Oriental partikular na sa Dumaguete City sapagkat mismong ang Presidente ang nag-eendorso ng kanilang kandidatura. Habang ang pagbabatayan naman ng mga mamamayan ng lalawigang ito ay ang kanilang track-record, potensiyal at credibility bilang mga dati ng naglingkod sa pamahalaan.
Binigyang diin ng dating senador na maituturing na isang “powerhouse” line-up ang mga kandidato ng administrasyon dahil silang lahat aniya ay hitik sa karanasan, may kalidad at kakayahan para maglingkod. Bukod pa dito aniya ang mataas na propesyong taglay ng bawat kandidato mula sa pagiging beteranong senador, dating opisyal ng pamahalaan at isang de-kampanilyang abogado.
Dahil dito, sinabi ni Pacquiao na ito ang posibleng pagbatayan ng mga mamamayan ng lalawigan upang sila ang mailuklok sa Senado pagdating ng botohan sa Mayo, hindi dahil sa kanilang popularidad. Bagkos alinsunod sa kanilang naging achievements sa larangan ng public service at paglilingkod sa gobyerno ng mahabang panahon.
Naniniwala din ang tinaguriang boxing legend na ang magandang programa, proyekto at plataporma ng APBP candidates ang pagbabasehan ng mga botante ng Negros Oriental pagdating ng halalan. Kaya malaki ang kaniyang tiwala na makukuha din nila ang “overwhelming” na suporta ng buong mamamayan ng naturang lalawigan.
“Ang buong alyansa para sa bagong Pilipinas ay kumpiyansa na makakakuha ng maraming boto dito sa Negros Oriental lalo na dito sa Dumaguete na nanalo din dito ang Pangulo. So yung programa naman ng APBP ay para sa kabutihan ng sambayanang Pilipino at napakaganda. Ito ay magpo-focus sa pagbibigay ng trabaho, hanap-buhay at negosyo para sa maliliit na pamilya,” sabi ni Pacquiao.