Sara

Suporta ng Zamboanga Peninsula ibinuhos kay Mayor Sara

218 Views

IBINUHOS ng Zamboanga Peninsula kay vice presidential aspirant Sara Duterte ang kanilang suporta para sa nalalapit na halalan.

Sa kanyang pagpunta sa Pagadian City, sinalubong si Mayor Duterte ni Mayor Samuel Co at First District Representative Wilter “Sharky” Palma II, at mga kandidato at miyembro ng lokal na partidong Arangkada Pusong Asenso.

Sinabi ni Vice Governor aspirant Priscilla “Ilang-Ilang” Co na suportado nila si Mayor Duterte gaya ng kanilang pagsuporta sa ama nitong si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sumunod namang pinuntahan ni Mayor Duterte ang Zamboanga del Sur at mainit itong sinalubong ni Governor Victor Yu, misis nitong si First District Representative Divina Grace Yu at iba pang lokal na opisyal ng probinsya.

Nagpasalamat si Gov. Yu kay Mayor Duterte sa naging tulong nito sa kanyang grupo para manalo noong 2019. Ngayong tumatakbo si Mayor Duterte sa mas mataas na posisyon ay ibubuhos naman umano ng probinsya ang suporta sa kanya.

Nagpasalamat naman si Duterte sa mga sumuporta sa kanya at iginiit ang kahalagahan na ihalal din ng publiko ang mga lider na kanyang makakatuwang sa pagseserbisyo sa bayan.

Si Mayor Duterte ay sinamahan ni House Speaker Lord Allan Velasco at senatorial candidate Robin Padilla sa kanyang pangangampanya sa probinsya ng Zamboanga.