Villar

Suporta sa mga kababaihan muling ipinahayag ni Villar

Mar Rodriguez Mar 21, 2025
16 Views

MULING ipinahayag ni House Deputy Speaker at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Camille A. Villar ang kaniyang commitment at suporta para sa hanay ng mga kababaihan kasabay ng ginanap na pagdiriwang ng Women’s Month sa Balanga, Bataan.

Dahil dito, binigyang diin ng kongresista ng Las Piñas na maituturing na instrumental ang mga kababaihan sa pagbangon at pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas dahil sa kanilang husay, talino at abilidad.

Tiniyak ni Villar na ipagpapatuloy nito ang paghahain ng mga mahahalagang panukalang batas at pagsusulong ng mga programa na magpapa-angat sa kabuhayan ng mga kababaihan at magtatanggol naman sa kanilang mga karapatan. Kabilang na dito ang pagkakaroon nila ng magandang oportunidad sa lipunan sa aspeto ng negosyo at iba pang kahalintulad nito.

Ipinahayag din nito na hindi matatawaran ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kababaihan batay narin aniya sa “dictum” na “Women lift up economies”.

“Happy Women’s Month po sa inyong lahat para sa ating mga nagsisipagan at naggagandahang kababaihan ngayon dito. Lahat ng Lola, Nanay, Auntie, anak, may-bahay na walang asawang nagtataguyod ng kani-kanilang pamilya. Ang araw na ito ay isang pagkakataon upang kilalanin ang mga naggawa, lakas at kontribusyon ng mga kababaihan sa buong mundo,” sabi nito.

Sabi pa ni Villar na bahagi rin ng kaniyang commitment ay ang i-prioritize ang kagalingan o welfare ng mga kababaihan pagdating sa implementasyon ng mga proyekyo at paghahain ng mga panukalang batas para sa kanila.

“Sa akin pong trabaho sa Kongreso ay sinikap kong makapagpasa ng mga batas na susuporta at poprotekta sa kapakanan ng ating mga kababaihan,” dagdag pa ni Villar.