Calendar
Suporta sa UniTeam dumagundong sa “Tiger City”
NAG-UUMAPAW ang suportang binigay ng mga Mandalenyo kay presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. nang magsagawa ito ng proclamation rally sa kilalang bansag na ‘Tiger City” o sa Lungsod ng Mandaluyong.
Tanghali pa lang ay nakapuwesto na ang libo-libong mga supporters ng BBM-Sara UniTeam, samantalang alas singko ng hapon ‘saktong nagsimula ang programa na isinagawa sa malawak na kalsada ng Nueve de Febrero, gilid ng Shaw Center Mall.
Ang Lungsod ng Mandaluyong ay tahanan ng national campaign manager ng UniTeam na si newly-resigned MMDA Chairman Benhur Abalos kung saan siya nagsilbi sa lokal na pamahalaan bilang alkalde at kongresista ng mahabang panahon.
“Matalino, pinaka-magaling at higit sa lahat may puso (tinutukoy si Marcos)…, balik tanaw May 5, 2016 halos 6 years ago sa lugar na ito kasama ko majority floor leader, ano ang nakuhang boto ni Marcos sa Mandaluyong? Dumadagundong, nanalo sa kalakhang Maynila,” sabi ni Abalos.
“Ngayon mas marami pa tayo, ito ay sigaw ng Luzon, Visayas at Mindanao, dumadagundong, ang susunod na presidente ng Pilipinas, ang tigre ng Norte,” dagdag ng dating chairman ng MMDA.
Sinabi naman ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na tinawag silang UniTeam ni vice presidential candidate Inday Sara Duterte dahil nagkaroong sila ng pagkakaisa na solusyonan ang problema ng bansa ng magkasama.
“Kami po ay tinatawag na UniTeam dahil unity po ang aming layunin at ating pangarap para sa sambayanang Pilipino, pinagkaisa kami kasama ni Inday Sara para resolbahin ang mga problema sa ating bansa,” ayon sa pambato ng PFP.
Nagbigay pugay naman si Marcos sa mga Mandalenyo dahil sa mainit na suportang ibinigay sa kanya at ganon din sa pamilyang Abalos na nag-organize ng nasabing programa.
“Ako po ay nagbibigay pugay sa inyong lahat dahil sa suportang ibinigay niyo po sa akin at sa UniTeam, lalong-lalo na sa pamilyang Abalos,” ani Marcos.
Sa kalagitnaan naman ng programa ay hiyawan ang mga tao nang lumabas ang multimedia star, aktres at TV host na si Toni Gonzaga at inawitan si dating senador at ang mga Mandalenyo ng kantang ‘Roar’ na may lyrics na “I got the eye of the tiger, a fighter” at ipinagsigawan din niya na ipanalo ang BBM-Sara UniTeam sa darating na halalan sa Mayo.
Sa tantiya ng Philippine National Police (PNP) ay mahigit 30,000 mga supporters ang dumalo upang masaksihan ng personal at mapakinggan ang mga talumpati ng BBM-Sara UniTeam.
Kita naman sa drone shot ang ‘di-mahulugang karayom na bilang ng mga tao, umabot ang supporters sa kabilang bahagi ng Nueve de Febrero at sa kahabaan ng F. Martinez Avenue at Fabella Road.
Tumagal ng apat na oras ang proclamation rally, habang masaya namang umuwi ang mga taga-hanga na bitbit ang pag-asang dala ng tambalang BBM-Sara at ng mga UniTeam senatorial candidates.