Susi, doku ng condo mula sa dating admin isinuko ng bgy chief kay Yorme Isko

Edd Reyes Jul 17, 2025
357 Views

ISINAULI kay Manila Mayor Isko Moreno ng barangay chairman ang susi at dokumento ng condo unit na ipinagkaloob sa kanya ng nakaraang administrasyon.

Nagpasiya ang hindi na binanggit na pangalan ng barangay chairman na isuko ang susi at dokumento ng natanggap niyang unit sa Pedro Gil Residences na isa sa mga vertical housing projects na sinimulan ni Yorme Isko noong unang maupo bilang alkalde ng lungsod.

Nakuha niya ang isa sa mga unit ng vertical housing project nang ipatawag aniya siya ng Manila Urban Settlement Office (MUSO) makaraan ang naganap na pagpupugay sa watawat noong nakaraan pang administrasyon para ibigay sa kanya ang susi at dokumento ng isang unit.

Pinasalamatan ng alkalde ang barangay chairman sa kusang pagsasauli ng kanyang unit.

Nauna ng binanggit ng alkalde sa kanyang talumpati sa unang pagdalo niya sa flag raising ceremony, isang linggo matapos ang pagsisimula ng panunungkulan, ang hindi pagdaan sa tamang proseso ng mga nakatanggap ng unit sa vertical housing project ng lokal na pamahalaan.

May tumanggap aniya ng unit batay lang sa pag-endorso ng pulitiko at maging ng “bata-bata system” sa halip na ang makinabang ay mga maralitang residente ng Maynila na walang maayos na tirahan.