Suspek sa murder arestado

Alfred Dalizon Oct 12, 2025
268 Views

ISANG suspek sa kasong pagpatay ang nadakip ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO)-5 sa Rapu-Rapu, Albay noong Sabado.

Kinilala ang suspek sa alyas na Batista/Nonoy, 38, na nagtago sa Brgy. Sto. Niño sa Bacon, Sorsogon.

Dinakip siya ng mga operatiba ng PRO-5 sa ilalim ni Brigadier General Nestor C. Babagay Jr. sa bisa ng warrant of arrest for murder na inisyu ng Malolos City Regional Trial Court Branch 78 noong Pebrero 6, 2019.

“Ang pag-arestong ito ay malinaw na bunga ng whole-of-government approach na ipinag-utos ng Pangulo. Patuloy tayong magiging masigasig sa paghahanap at pag-aresto sa mga puganteng patuloy na nagtatago sa batas,” pahayag ni acting Philippine National Police (PNP) chief Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Binigyang diin din ng Hepe ng Pambansang Pulisya na ang matagumpay na manhunt operation ay naisakatuparan sa ilalim ng PNP Focus Agenda, partikular ang kanilang Enhanced Managing Police Operations (EMPO) program.

Sinabi ni PNP spokesperson, Brig. Gen. Randulf T. Tuaño na ipinapakita ng pag-arestong ito ang patuloy na pagsisikap ng PNP na maitaguyod ang katarungan at mapalakas ang tiwala ng publiko.

“Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng paninindigan ng PNP sa pagpapatupad ng batas at paghahatid ng hustisya. Bawat pagkakaaresto ng isang most wanted person ay hakbang tungo sa mas ligtas na pamayanan,” pahayag ng opisyal.