NBI Inihayag ni NBI Chief Jaime Santiago ang naganap na rescue operation ng mga ahente ng NBI sa mga biktima ng online sexual exploitation sa Bacoor City, Cavite.

Suspek sa online sex exploitation laglag sa NBI

Jon-jon Reyes Sep 19, 2025
317 Views

NASAGIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) ang mga biktima ng online sexual exploitation noong Martes sa Bacoor City, Cavite at naaresto rin ang dayuhang suspek sa criminal activity.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago nag ugat ang kaso sa feed ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa pamamagitan ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC) tungkol sa mga dayuhan na umano’y sangkot sa online sexual exploitation ng mga menor-de-edad na biktima.

Ayon sa ulat, inaayusan ng mga dayuhan ang biktima para sa pakikipagtalik at pagsasamantala. Lumabas sa imbestigasyon na pinagsasamantalahan online ng paulit ulit ang mga biktima online.

Dahil dito, nakipag ugnayan ang NBI-HTRAD sa NBI-Cavite North District Office (CAVIDO-North) at nagsagawa ng surveillance upang kumpirmahin ang lokasyon kung saan isinagawa ang krimen at ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Nasagip ng mga ahente ng NBI ang mga biktima at inilagay sa ilalim ng protective custody ng City Social Welfare and Development Office.

Ang salarin ay nahaharap sa patung-patong na kaso ng mga paglabag sa RA 11930 at RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).