Kulong

Suspek sa pagnanakaw huli sa akto, arestado

Edd Reyes Aug 18, 2024
31 Views

TIMBOG ang 25-anyos na suspek sa pagnanakaw nang rumesbak sa kompanyang una na niyang pinagnakawan noong Linggo sa Navotas City.

Nalambat ng mga tauhan ni Navotas City Police Chief P/Col. Mario Cortes si alyas Alvin ng C4 Road, Brgy. Longos, Malabon City nang mahuli sa aktong nilalagare ang padlock ng Firstpick Power Tools Trading sa Gov. Pascual St., Lucas Compound, Brgy. Catmon dakong ala-1:40 ng madaling araw.

Sa imbestigasyon ni P/SSg Edison Mata, nauna na pinasok ng suspek noong Hulyo 22, 2024 ang kompanya at naka eskerda tangay ang dalawang mamahaling cellular phone at isang tablet.

Nang rumesbak ang suspek, naka-monitor sa CCTV ang sales manager na si alyas John, 29.

Itinawag ng manager sa Station Intelligence Section (SIS) ng Navotas police ang paninira sa padlock ng suspek kaya siya nahuli.

Sinabi ni Col. Cortes na nakuha sa bag ng suspek ang dalawang cellular phone at tablet na nauna na niyang kinulimbat pati ang pangsira sa padlock na lagareng bakal, martilyo, vice grip, wire cutter at sumpak na may dalawang bala ng shotgun.

Nakatakdang sampahan ng mga pulis ng mga kasong theft, malicious mischief at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearm and Ammunition Act) ang suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.