Calendar

SUV na 307 beses ilegal na dumaan sa EDSA Busway nasa alarm status
BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na habulin ang mga pasaway sa kalsada, agad na isinailalim ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, sa alarm status ang isang sports utility vehicle (SUV) na higit 300 ulit na ilegal na dumaan sa EDSA Busway mula pa noong 2022.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nakapaglabas na ang ahensya ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng Mitsubishi Montero Sport, na residente ng Lungsod Quezon.
“Ang paglalabas ng SCO ay agarang tugon namin sa kahilingan ni MMDA Chairman Don Artes na imbestigahan ang paulit-ulit na paglabag ng naturang sasakyan sa eksklusibong bus lane sa EDSA,” ani Asec. Mendoza.
“Tukoy na namin ang rehistradong may-ari, at bahagi ng aming imbestigasyon ang pagtukoy kung sino ang aktwal na nagmamaneho ng sasakyan sa 307 pagkakataong ito’y ilegal na pumasok sa EDSA Busway,” dagdag pa niya.
Sa kanyang sulat sa LTO, binanggit ni Chairman Artes na sa 307 paglabag, 14 na pagkakataon ay nakunan ng CCTV ang naturang sasakyan mula nang muling ipatupad ang No-Contact Apprehension Policy noong nakaraang buwan.
Sa isinagawang beripikasyon, lumabas na huling nirehistro ang naturang Mitsubishi Montero noong Agosto 2022.
Batay sa Show Cause Order na pirmado ni LTO-Intelligence and Investigation Division (IID) Chief Renante Melitante, inaatasan ang rehistradong may-ari na personal na dumulog sa LTO kasama ang drayber, at magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaukulang parusa sa iba’t ibang paglabag, kabilang ang paulit-ulit na hindi pagsunod sa traffic signs at obstruction of traffic.
Nahaharap din ang drayber sa paglabag sa Section 27(a) ng R.A. 4136 bilang isang “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”
Sa kabilang banda, nahaharap ang rehistradong may-ari sa paglabag sa Compulsory Registration of Motor Vehicles (Section 5 ng RA 4136).
“Samantala, ipinaaalam na ang Mitsubishi Montero ay pansamantalang isinailalim sa alarm status, na nangangahulugang hindi muna maaaring isagawa ang anumang transaksyon kaugnay nito habang isinasagawa ang imbestigasyon,” ayon sa SCO.
“Ang hindi pagdalo at hindi pagsusumite ng kinakailangang paliwanag ay ituturing ng Tanggapan na pagtalikod sa karapatang marinig, at ang kaso ay dedesisyunan base sa mga ebidensyang hawak,” dagdag pa nito.
Tiniyak ni Asec. Mendoza sa MMDA ang mabilis at regular na pagbibigay ng update kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon.