LTO

SUV na may plakang ‘7’ iimbestigahan na ng LTO

Jun I Legaspi Nov 4, 2024
31 Views

OPISYAL na nagbigay ng pahayag ang Land Transportation Office (LTO) ukol sa SUV na may plate number “7” na ilegal na dumaan sa EDSA busway at tinangka umanong sagasaan ang isang tauhan ng Department of Transportation (DOTr).

Ang plate number “7” ay iniisyu sa mga miyembro ng Senado.

Ang buong pahayag ng LTO:
Tulad ng aming agarang pagtugon sa mga insidente na iniulat ng publiko at sa mga nai-post sa social media, agad nang sinimulan ng inyong Land Transportation Office (LTO) ang pag-imbestiga sa viral video na ito base sa ulat ng aming monitoring team.

Malinaw na may mga paglabag na naganap, kabilang dito ang asal ng drayber ng sports utility vehicle (SUV) na naglagay sa panganib sa mga enforcer ng DOTr-SAICT na ginagawa lamang ang kanilang tungkulin.

Batay sa paunang impormasyon at sa pagsusuri ng mga ebidensya, walang inilabas na protocol plate para sa nasabing SUV na makikita sa viral video.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan kami sa DOTr-SAICT para sa mga partikular na detalye tungkol sa puting SUV na makakatulong sa pagkakakilanlan ng nakarehistrong may-ari nito.

Tinitiyak namin sa publiko na maglalabas kami ng Show Cause Order (SCO) sa nakarehistrong may-ari at sa drayber ng nasabing SUV sa lalong madaling panahon upang maipaliwanag nila ang serye ng mga paglabag na aming natukoy alinsunod sa umiiral na batas at mga patakaran, kabilang ang pagwawalang-bahala sa mga traffic sign at ang improper person to operate a motor vehicle.

Makikipag-ugnayan din ang inyong LTO sa tanggapan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng lahat ng impormasyong aming makakalap mula sa imbestigasyon tungkol sa insidenteng ito.

Samantala, nais naming paalalahanan ang lahat ng motorista na ang pagwawalang-bahala sa batas at mga umiiral na patakaran para sa kaligtasan sa kalsada ay hindi palalampasin at papanagutin.