SWS

SWS: Nakararaming Pinoy aprub sa takbo ng demokrasya ng PH

159 Views

NAKARARAMING Pilipino ang aprub sa takbo ng demokrasya sa Pilipinas, batay sa survey ng Social Weather Station (SWS).

Sa survey na isinagawa mula Disyembre 10-14, 2022, 1,200 respondent ang tinanong kung “Sa pangkalahatan, kayo po ba ay … (LUBOS NA NASISIYAHAN; MEDYO NASISIYAHAN; HINDI NASISIYAHAN; LUBOS NA HINDI NASISIYAHAN) sa takbo ng demokrasya sa Pilipinas?”

Sumagot ang 89 porsyento na sila ay nasisiyahan, mas mataas ng 11 porsyento sa naitalang 78 porsyento sa survey noong Abril 2022. Ito ay mas mataas din ng tatlong puntos kumpara sa tinalo nitong rekord na 86 porsyento sa survey noong Setyembre 2016.

Mula Nobyembre 1991 hanggang Marso 2010, ang mga naitalang nasisiyahan ay 29 hanggang 70 porsyento. Matapos ito hanggang Hunyo 2010 ang naitalala ay mula 59 hanggang 89 porsyento.

Sa survey noong Disyembre 2022, 60 porsyento ang nagsabi na palagi silang pabor sa demokrasya samantalang 26 porsyento ang nagsabi na may mga panahon na gusto nila ng authoritarian government.

Ang survey ay mayroong sampling error margins na ±2.8 porsyento.