Calendar

SWS survey nagpapakita ng pagnanais ng taumbayan na mapanagot si Duterte sa EJKs
ITINUTURING ng mga lider ng Kamara de Representantes na “pulso ng bayan” ang pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS), kung saan mayorya ng mga Pilipino ang pabor na panagutin si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga extrajudicial killings (EJKs) na naganap sa pagpapatupad ng giyera kontra iligal na droga.
Sinabi ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na malinaw na ipinapakita ng mga resulta ang damdamin ng taumbayan.
“It’s a clear message from the people na supportive sila sa nangyayari. Especially, doon sa for the former president to have time to have his day in court sa ICC,” ani Adiong sa isang press conference nang hingin ng reaksyon kaugnay ng survey.
Ipinapakita ng survey, na kinomisyon ng Stratbase Institute, na 51% ng mga respondent ang sumasang-ayon na dapat harapin ni Duterte ang kaso para sa EJKs sa International Criminal Court (ICC), habang 25% ang hindi sang-ayon. Samantala, 14% ang nananatiling hindi tiyak at 10% ang walang kaalaman sa isyu.
Ipinahayag naman ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang parehong pananaw ni Adiong, na nagsasabing ipinapakita ng survey ang tunay na tinig ng mga Pilipino.
“Pulso ng bayan yan kaya kung ano man ang pulso ng bayan ay nirerespeto natin yan,” ani Ortega sa guest din sa naturang press briefing.
Binigyang-diin ni Adiong na hindi nakatuon ang publiko sa mga legal na teknikalidad tungkol sa posibleng pag-aresto kay Duterte kundi sa dahilan kung bakit siya may kinakaharap na kaso sa ICC.
“I think the public is focused more on why he was there in the first place, not so much on the technicalities. Kasi ‘yun naman talaga po ‘yung pinaka-punto dito. Does he deserve a day in court at the ICC or not?” ani Adiong.
Binigyang-diin din niya na mabigat ang mga kasong isinampa laban kay Duterte, dahil ito ay may kaugnayan sa crimes against humanity.
“Now if yes, then what are the cases being filed against him? It’s a crime against humanity. You know, 30,000 I guess is the number. So, 30,000 dead during his time,” aniya.
Idinagdag pa ni Adiong na may mataas na pagpapahalaga ang mga Pilipino sa moralidad at hustisya.
“Ang paniniwala ko po, ang Pilipino ay mataas ang kanilang moralidad and ethical standard. So, whatever legal innuendos or any technicalities that they make here to obfuscate the real issue at hand, they still focus on why he was there in the first place,” aniya.
Ayon sa kanya, walang anumang legal na taktika ang makakalikha ng pagkalito sa taumbayan pagdating sa pangunahing usapin—ang pangangailangang panagutin si Duterte sa libu-libong pagkamatay sa ilalim ng kanyang administrasyon.