Calendar
Taal Volcano sumabog; Alert Level 1 itinaas
MULING sumabog ang Taal Volcano sa Batangas nitong Martes ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naganap ang pagsabog o phreatomagmatic event dakong 5:58 ng madaling araw.
Ito na ang ikatlong pag-aalburuto at pagsabog ng bulkan sa loob ng isang linggo simula noong Nobyembre 26.
Unang nagkaroon ng phreatic eruption ang bulkan noong Nob. 28 at nasundan ito noong Nob. 29 kung saan tumagal ang pagsabog ng 5 hanggang 6 na minuto.
Sa video na ibinahagi ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Talisay, Batangas, makikita ang pagbuga ng makapal at maitim na usok mula sa bunganga ng bulkan.
Tumagal ng 4 na minuto ang pagbubuga ng makapal na usok at abo ng bulkan na umabot mula sa 600 metro hanggang 2,800 metro ang taas.
Inabot ng abo mula sa bulkan ang mga bayan ng Poblacion, Agoncillo, Buso-buso at Laurel sa Batangas.
Nanatili sa Alert Level 1 ang paligid ng bulkan at mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcanic Island o sa itinakdang permanent danger zone.
Paliwanag ng Phivolcs, nagkakaroon ng phreatic eruption sa sandaling magtagpo ang groundwater at hot magma, habang ang phreatomagmatic eruption ay nangyayari kapag nag-interact o humalo ang magma sa tubig na nagiging dahilan ng mas malakas na pagsabog na kadalasan ay may kasamang lava particles.
Kaugnay nito, naglabas na rin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng notice to airmen (NOTAM) upang maiwasan ang pagpapalipad sa paligid lalo na sa tapat ng bunganga ng bulkan.