Calendar
BIGAS PARA SA LAHAT — Sinimulan na nitong Huwebes (Agosto 21, 2025) sa Tacloban City ang pagbebenta ng bigas na nagkakahalaga lamang ng PHP20 kada kilo sa ilalim ng programa ng administrasyong Marcos na “Benteng Bigas, Meron Na!” Kabilang sa mga unang nakinabang ay ang mga residente ng pabahay para sa mga nasalanta ng Super Bagyong Yolanda. Larawan mula sa Tacloban-CIO
Tacloban nagsimula nang magbenta ng ‘BBM Na’ bigas sa halagang P20 kada kilo
TACLOBAN CITY – Sinimulan na ng pambansang pamahalaan ang pamamahagi ng bigas na nagkakahalaga ng P20 kada kilo sa lungsod na ito, upang maging abot-kaya ang pangunahing pagkain para sa mga sektor na higit na nangangailangan.
Ayon kay Francis Rosaroso, hepe ng Agribusiness and Marketing Assistance Division ng Department of Agriculture sa rehiyon, ang programang “Benteng Bigas, Meron (BBM) Na!” ay layong magbigay ng dekalidad na bigas sa abot-kayang halaga sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga may kapansanan, solong magulang, at mga senior citizen.
“Ang pagbibigay-priyoridad sa mga kabilang sa vulnerable sector ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos at ni Kalihim ng Agrikultura Francisco Tiu Laurel,” ani Rosaroso sa isang panayam sa telepono nitong Biyernes.
Samantala, sinabi ni Romelo Anade, City Agriculturist ng Tacloban, na ibebenta muna ang BBM Na rice sa mga komunidad bago ito gawing available sa mga Kadiwa center.
“Matapos ang matagumpay na paglulunsad ng programa sa Tacloban, isusunod natin ito sa mga clustered barangay upang mas maraming vulnerable sector ang makinabang. Ia-anunsyo namin ang iskedyul ng pamamahagi ng bigas sa mga komunidad,” ayon sa kanyang post sa social media.
Bawat mamimili ay pinapayagang bumili ng hanggang 10 kilo ng bigas upang mas marami ang makinabang.
Ang BBM Na ay isang programang naglalayon ng pagtutulungan ng National Food Authority (NFA), Food Terminal Inc. (FTI), at mga Local Government Unit (LGU).
Naglalaan ng subsidiya ang pamahalaan, sa pamamagitan ng FTI at LGUs, upang maibenta ng NFA ang bigas sa halagang P20 kada kilo.

