Guho Makikita sa mga larawan ang pagguho ng mga lupa sa mismong pinagpapatungan ng isa sa dalawang poste sa ilalim ng Lagnas bridge.

Taga-Quezon nangangamba sa gumuguhong pundasyon ng tulay

120 Views

SARIAYA, QUEZON–Nababahala ang mga residente at motorista ng lalawigang ito dahil sa unti-unting pagguho ng lupang kinatitirikan ng mga bored piles o poste sa ilalim ng Lagnas bridge 1 sa Maharlika Highway sa Brgy. Sampaloc 2, Sariaya, Quezon.

Lagnas bridge ang nagsisilbing pangunahing daan at nagdudugtong sa National Capital Region sa Southern Luzon.

Kung guguho ang tulay, maoobligang dumaan ang mga motorista sa Quezon Eco-Tourism Road via Rosario-San Juan Road sa Batangas at Candelaria, Quezon.

Noong nakaraang taon pa tinalakay ng ilang mga mamamahayag sa kanilang mga radio program ang isyu kasunod ng reklamo ng mga nababahalang residente at motorista.

Noong January 4, 2023, si Quezon Governor Angelina Tan sumulat kay Department of Public Works and Highways (DPWH) regional director Jovel Mendoza at nakiusap para sa madaliang repair, rehabilitation o anumang engineering intervention kaugnay sa nasisirang kondisyon ng tulay.

Sumulat ang gobernadora matapos ang inspection ng Provincial Engineering Office sa naturang tulay kung saan nakita ang gumuguhong sub-surface foundation ng mga poste sa ilalim nito dulot ng bagyong Paeng noong October 2022.

Sinabi ng ilang residente malapit sa tulay na ang ginawang aksyon ng DPWH band-aid solution lang at hindi sapat upang tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista at mga pedestrian.

Noong Sabado, isang group ng mga mamamahayag ang nagtungo sa ilalim ng tulay makaraang makatanggap ng sumbong sa ilang residente malapit sa tulay.

Doon natuklasan ng grupo ang unti-unting pagguho ng lupa na pinapatungan ng isang poste na nagpapasan sa bigat ng tulay.

Walang mga gabion sa paligid nito kung kaya’t naaabot ng rumaragasang tubig ilog sanhi ng mga bagyo at malakas na pag- ulan.

Posible umano itong gumuho nang tuluyan pagdating ng mga bagong bagyo, kung hindi mareremedyuhan ng DPWH. Ni GEMI FORMARAN