Taguba

Taguba: Hindi ako kumambyo sa aking testimonya

12 Views

INIHAYAG ni Customs broker Mark Taguba na hindi siya uurong sa kanyang testimonya sa kabila ng patuloy na harassment at banta sa kanyang buhay.

Muling iginiit ni Taguba na sangkot sina Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, sa bayaw nitong si Manases “Mans” Carpio, at iba pang miyembro ng tinaguriang “Davao Group” sa pagpuslit ng P6.4 bilyong halaga ng imported na shabu noong 2017.

Sa kanyang pagdalo sa House Quad Committee, muling kinumpirma ni Taguba—na kasalukuyang nakakulong dahil sa kanyang papel sa pagpaproseso ng ipinuslit na kargamento—ang kanyang pahayag noong 2017 sa pagdinig ng Kongreso.

Binigyan diin pa ni Taguba na kailanman ay hindi niya binawi ang kaniyang alegasyon, na pinaninindigan at nanatili ang ibinigay na pahayag sa Senado at Kamara, pitong taon na ang nakalilipas.

“Wala po akong na-recant sa affidavit ko kina Pulong Duterte po,” sagot ni Taguba sa pagtatanong ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.

Inamin ni Taguba na humingi siya ng paumanhin sa anak ng noo’y Pangulo sa isang press conference dahil sa matinding pressure, ngunit iginiit niyang hindi ito nangangahulugan ng pagbawi ng kanyang pahayag.

Inakusahan ni Taguba ang Davao Group ng pagmamanipula sa mga operasyon ng Customs gamit ang mga pangunahing kontak, kabilang na si Davao City Councilor Nilo “Small” Abellera. Ayon kay Taguba, nagbayad siya ng P5 milyong “enrollment fee” kay Abellera upang magamit ang serbisyo ng grupo at makuha ang access kay Pulong.

Si Abellera, na dumalo sa pagdinig, ay inamin na nakipagkita kay Taguba sa Davao City ngunit itinanggi ang pagtanggap ng pera mula rito, at sinabi niyang tinanggihan ang mga kahilingan ni Taguba.

Ngunit tinutulan ni Taguba ang pagtanggi ni Abellera, sinabing, “Kinuha niya ang pera.”

Inakusahan din ni Taguba si Carpio, ang asawa ni Vice President Sara Duterte, at sinabing ang pera ay dumaan sa mga operatiba ng Davao Group tulad ni “Tita Nani.”

“Sabi nila si Pulong Duterte ang mag-aayos kapag nagbigay ako ng pera,” ayon kay Taguba, habang inilarawan ang kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga operatiba.

Ikinwento ni Taguba ang mga panggigipit na kanyang naranasan matapos pangalanan sina Pulong at Carpio sa isang pagdinig sa Kongreso, pati na ang mga banta sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.

“Pati nanay ko, balak nilang patayin,” pahayag niya, inilarawan ang mga matinding hakbang na umano’y ginawa upang siya’y patahimikin.

Ibinunyag din ni Taguba na tinanggal ng Senate Sergeant-at-Arms ang kaniyang security detail, na nagbigay daan upang siya ay maging mas madaling target ng mga banta at pananakot.

Ang shipment ng shabu, na nagmula sa China, ay naharang sa isang bodega sa Valenzuela City noong 2017, ngunit nananatili pa rin ang mga tanong tungkol sa tunay na may-ari ng kontrabando.

Kamakailan ay hinatulan ng hukuman sa Maynila sina Taguba at ang kanyang mga kasamahan na sina Eirene Mae Tatad at Dong Yi Shen, na kilala rin bilang si Kenneth Dong, ng habambuhay na pagkakakulong dahil sa kanilang papel sa pagpapasok ng shabu. Nagsumite sila ng motion for reconsideration at hiniling na mag-inhibit ang hukom na humahawak ng kaso.

Tinuligsa rin ni Taguba ang sistema ng katarungan sa bansa dahil sa hindi pagpaparusa sa mga may makapangyarihan at impluwensya.

Ipinahayag din ni Taguba ang kanyang pagkadismaya dahil habang ang mga ordinaryong tao tulad niya ay nahatulan, ang mga pangunahing sangkot sa kaso ay nakaligtas sa pagpaparusa.

Matapos marinig ang kanyang testimonya at ang mga banta sa kanyang buhay, inaprubahan ng Quad Committee, na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang isang mosyon na humiling sa Bureau of Corrections na ilipat si Taguba sa kustodiya ng Kamara.

Sa mosyon ni Quad Comm co-chair Joseph Stephen Paduano, nagpasiya ang panel na ikulong si Taguba sa Kamara “hanggang sa matapos ang mga pagdinig o hanggang mawala ang banta sa kanyang buhay.”

Bagama’t nahatulan, patuloy na binibigyang-diin ni Taguba ang sinasabing kapangyarihan ng Davao Group, na nagpapatuloy sa pagtuon ng pansin sa mga hindi pa nasasagot na isyu ukol sa isa sa mga pinakamalaking kaso ng smuggling sa bansa.