Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Tagumpay ng Kamara dulot ng mabuting pamumuno ni Speaker Romualdez — DML Ortega

40 Views

TATAPUSIN ng Kamara de Representantes ang 19th Congress na halos perfect ang record sa pagpasa ng Common Legislative Agenda (CLA), na resulta ng mabuting pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na naghahanda na rin ang Kamara para sa maayos na pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo, kung saan inaasahan ang patuloy na pamumuno ni Speaker Romualdez.

“We discussed admin matters at hindi lang near-perfect ang record ng House sa pamumuno ni Speaker Romualdez, historic pa. Napatunayan na natin ang kalibre ng leadership ni Speaker. That’s why we’re seeing overwhelming support across party lines: 280 out of 285 lawmakers who expressed support for his speakership have already signed a manifesto backing him as Speaker for the 20th Congress,” ani Ortega.

Sa isa umanong pagpupulong ng mga lider ng Kamara noong Huwebes na dinaluhan ng mga opisyal mula sa iba’t ibang partido, sinabi ni Speaker Romualdez na 27 mula sa 28 na Common Legislative Agenda (CLA) ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang natapos na ng Kamara bago ang pagtatapos ng 3rd Regular Session ng 19th Congress sa Hunyo.

Aniya pa, tinalakay at inaprubahan na rin ng Kamara ang 61 mula sa 64 na panukalang batas na nakapaloob sa CLA at inendorso ng LEDAC.

“These numbers reflect our dedication to delivering real reforms that matter to Filipinos. At nagawa namin ito lahat dahil sa pagpupursige ni Speaker Romualdez. Sa totoo lang, nahawa talaga kami sa sipag niya. Lahat kami, gusto matapos agad ang trabaho sa simula pa lamang ng 19th Congress,” ani Ortega.

Dumalo sa pulong ang mga pinuno ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nacionalista Party (NP), National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Party-list Coalition Foundation Inc. (PCFI).

Ayon sa ulat ng ika-8 LEDAC meeting, 12 mula sa 27 panukalang batas ay naipasa na bilang mga batas, kabilang ang Anti-Financial Account Scamming Act, Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, VAT on Digital Transactions at ang Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act.

Kasama rin sa mga batas na naipasa ang New Government Procurement Reform Act, Philippine Maritime Zones Act, Academic Recovery and Accessible Learning Program Act, Philippine Archipelagic Sea Lanes Act, at mga amyenda sa Agricultural Tariffication Act.

Samantala, ang panukalang amyenda sa EPIRA law ay nag-lapse into law noong Abril 18 habang ang Capital Markets Promotion Act ay naisumite na sa Office of the President noong Abril 29.

Kasalukuyang nasa bicameral conference committee deliberation ang mga panukalang tulad ng Blue Economy Act, amyenda sa Universal Health Care Act, Open Access in Data Transmission Act, E-Governance Act, Rationalization of Mining Fiscal Regime, at mga amyenda sa batas ukol sa Foreign Investors’ Long Term Lease.

Naipasa na sa ikatlong pagbasa sa Kamara at naghihintay na lamang na matapos ng Senado ang mga panukalang batas tulad ng National Water Resources Act, National Citizens Service Training Program Act, amyenda sa Right-of-Way Act, Single-use Plastic Bags Tax Act, Water Treatment Technology Act, Revised Government Auditing Act, Immigration Modernization Act, at Military and Uniformed Personnel Pension System Act.

“From day one, our goal was clear: to build a legislative foundation for a Bagong Pilipinas. And under Speaker Romualdez’s guidance, we’ve done just that—efficiently and decisively,” dagdag pa ni Ortega.

Sinabi rin niya na ang natitirang CLA measure na hinihintay pang aprubahan ng Kamara ay ang mungkahing amyenda sa Agrarian Reform Law, na inaasahang tatalakayin sa pagbabalik ng sesyon.

Sa kabuuang 64 LEDAC measures mula nang magsimula ang ika-19 na Kongreso, 61 na ang naaksyunan ng Kamara, at tatlo na lamang—ang National Defense Act, Budget Modernization bill at mga amyenda sa Agrarian Reform Law—ang natitira.

“Focused lang kami sa results. Kita naman natin every end ng regular session, napakarami nating naipasa. Kaya for me, medyo proud ako na part ako ng 19th Congress sa House of Representatives. Hindi biro ang na-achieve namin dito sa Kamara. And the results speak for themselves,” ani Ortega.

“And what we have passed are real reforms that will help millions of Filipinos. So in sum, we have done our jobs, we have passed what was asked of us, we delivered,” dagdag pa niya.