takas

‘Takas 2,’ ikinakasa na ng produ

535 Views

SA sobrang lakas ng reception online sa ipinalabas na trailer ng maiden offering niyang Takas, na meron nang milyun-milyong views, hindi nakapagtataka na ganahan ang producer nitong si Katrina Lyn Javier Polotan na ihanda na ang sequel nito.

Kilala rin bilang Kate Javier, siya ang brains sa likod ng Hand Held Entertainment Productions na nangakong marami pang ila-line-up na projects matapos ang streaming ng nasabing suspense-thriller simula ngayong February 15 hanggang 19.

Matagal nanirahan si Kate sa Bermuda bago nag-relocated dito sa Pilipinas. Cum laude siyang nag-graduate sa kursong Accountancy sa University of Sto. Tomas.

Para sa Takas, kinuha ni Kate sina Teejay Marquez, David Chua at Janelle Lewis bilang mga bida. Nasa cast din sina Marvin Yap, Rob Sy, John “Sweet” Lapus at Easy Ferrer sa ilalim ng direksyon ni Ray An Dulay.

Iikot ang istorya ng pelikula kina Jake (Teejay) at Belle (Janelle) kasama ang best friend ni Jake na si Rob (David.

Isang sikat na celebrity si Jake habang simpleng babae naman si Belle. Sa panahong akala nila ay naka-survive na sila sa isang krisis, isang madilim na lihim ang matutuklasan tungkol sa sinapit ni Jake sa kamay ng isang pschopath.

Hindi matatawaran ang husay ni Direk Ray An. Naging estudyante siya ng yumaong batikang direktor na si Maryo J. delos Reyes sa UP Film Institute directorial workshop.

Nagsimula naman siya sa showbiz bilang artista sa Bath House ni Direk Cris Pablo bago naging indie director.

Nakagawa na rin si Direk Ray An ng ilang mainstream movies at television series.

Ang kanyang directorial debut na Potpot, na isinulat ng misis niyang si Joyzell Regalario Dulay, ay nagwagi ng awards sa iba’t ibang award-giving bodies.

Sumabak din siya sa pagpo-produce ng mga pelilkula tulad ng Palo-Palo (2011) at Turo-Turo (2015), na pinagbidahan nina AJ at Enchong Dee.

Ang Turo-Turo ay naging isa sa finalists sa Metro Manila Film Festival New Wave Category.

Si Joyzell din ang nagsulat ng Takas mga sampung taon na ang nakakaraan. Aniya, hinintay lang niya ang tamang panahon para masalin ang istorya sa pelikula.

Sundan ang kwento nina Jake at Belle sa Takas ngayong Feb. 15 hanggang 19. Para sa tickets worldwide, bisitahin ang KTX at http://www.iamrad.app.

Ian F. Fariñas