Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Pacquiao1

Takot sa Diyos ang inilatag na solusyon ni Pacquiao laban sa problema ng teenage pregnancy

Mar Rodriguez Feb 23, 2025
69 Views

BACOLOD CITY – TAKOT sa Diyos ang isa sa inilatag na solusyon ng tinaguriang “the people’s champ” na si Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial Candidate Manny “Pacman” Pacquiao upang resolbahin ang lumalalang problema ng “teenage pregnancy” sa ating bansa.

Para kay Pacquiao, kinakailangang mahikayat ang mga magulang na mabigyan ng edukasyon o maturuan ang kanilang mga anak na babae na huwag pumasok sa maagang pakikipag-relasyon na nauuwi sa “teenage pregnancy” bunsod ng kapusukan.

Binigyang diin ni Pacquiao na napaka-importanteng maikintal sa isipan ng mga kabataang babae ang takot sa Diyos at mayroong Panginoon sapagkat labag aniya sa alituntunin ng Panginoon ang pagkakasangkot ng isang indibiduwal sa “sexual immorality”.

“Para sa akin, encourage natin ang mga magulang na educate ang kanilang mga anak na babae na huwag pumasok sa ganiyang sitwasyon o yung teenage pregnancy. Dapat turuan sila na may Panginoon dahil laban talaga sa Diyos ang ganiyang sexual immorality,” sabi nito.

Sinabi pa ng dating Senador na ang problema ng teenage pregnancy ay maituturing lamang na isang maliit na bahagi ng mas malala pang problema kung saan laganap aniya sa buong mundo ang “sexual immorality hindi lamang sa Pilipinas.

Ipinaliwanag pa ni Pacquiao na responsibilidad ng bawat magulang na turuan ang kanilang mga anak na huwag masangkot o pumasok sa maagang pakikipag-relasyon na sa kalaunan ay humahantong aniya maagang pagbubuntis o ang teenage pregnancy.

“Tayong mga magulang responsibilidad natin na turuan ang ating mga anak na huwag pumasok sa ganiyan at maturuan din ng magandang asal. Mahalaga na maituro sa kanila na may Panginoon at magkaroon sila ng takot sa Diyos,” dagdag pa ni Pacquiao.