Calendar
‘Tama si PBBM, mali si Duterte’
PINABULAANAN ni dating Senate President Franklin Drilon ang mga alegasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa diumano’y mga iregularidad sa 2025 national budget, partikular ang sinasabing pagkakaroon ng mga blankong item sa nilagdaang General Appropriations Act (GAA).
Iginiit ni Drilon na maling mali si Duterte sa kanyang interpretasyon kung saan ay sinabi ng dating pangulo ng senado na ang pinal na enrolled bill na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay kumpleto at balido at hindi pwedeng kwestyunin dahil lahat aniya ay naaayon sa itinatadhana ng batas.
“Tama po ang Pangulong Marcos doon, mali si Duterte,” pahayag ni Drilon sa isang panayam sa DWIZ.
Nilinaw ni Drilon, dating Pangulo ng Senado, na ang enrolled bill na nilalagdaan ng Pangulo upang maging batas ay ang pangunahing dokumento at wala itong mga blankong probisyon.
“Ang dumaan kay Pangulong Marcos ay ang printed copy at ‘yan ang pinirmahan niya kaya valid ang 2025 General Appropriations Act. Wala pong blanko doon,” paliwanag ni Drilon.
Ipinaliwanag ni Drilon, na nagsilbi sa Senado nang 24 na taon bilang senador, na maaaring nag-ugat ang mga paratang ni Duterte sa kalituhan lamang tungkol sa bicameral conference committee (bicam) report, na nagsasama ng bersyon ng budget mula sa Kamara at Senado.
Ayon kay Drilon, ang bicam report ay hindi isinusumite sa Pangulo kundi ginagamit lamang bilang sanggunian upang buuin ang final enrolled bill.
“Blanko sa bicameral conference committee report hindi pinapadala sa Pangulo ‘yan at hindi inaaktuhan ng Pangulo ‘yan. Ang inaaktuhan niya ang printed enrolled copy,” paliwanag ni Drilon, na binibigyang-diin ang limitadong papel ng Pangulo sa prosesong ito.
Tinalakay din ni Drilon ang sinasabing mga anomalya sa proseso ng bicam, at sinabi na ang anomang pagwawasto o pagbabago ay ginagawa bago pa ma-print ang final version.
“Ang kine-question na blanko, doon po ‘yan sa bicam report. Pero hindi naman po ‘yan umabot sa Pangulo,” aniya.
Binanggit ng batikang mambabatas ang “enrolled bill doctrine,” na nagtatakda na ang nilagdaang naka-print na kopya ng budget ang pinal at opisyal.
“Ang enrolled version of the bill ito na nga ‘yung printed copy, final version na pinirmahan ng presiding officers: President, Senate President, at Speaker,” ayon kay Drilon.
Ang prinsipyong ito ay nagbibigay-galang sa proseso ng lehislatura at paghihiwalay ng kapangyarihan. Iginiit ni Drilon na wala sa kapangyarihan ng Pangulo na siyasatin ang nilalaman ng bicam report.
“He cannot judge that. He has to rely sa printed copy,” pahayag ni Drilon.
Pinagtawanan ni Drilon ang mga paratang ni Duterte at mariing inulit na walang basehan ang mga ito.
“Walang kasalanan si PBBM patungkol sa sinasabi nilang issue sa bicam report. Hindi niya trabaho ‘yan dahil ang kaniyang obligasyon ay pumirma o i-veto lamang ‘yan,” aniya.
Nang tanungin kung dadalhin ang usapin sa Korte Suprema, sinabi ni Drilon na bilang isang demokratikong bansa, malaya si Duterte na gawin ito, ngunit tiniyak niyang walang patutunguhan ang hakbangin na ito ng dating pangulo dahil walang anomalya sa 2025 GAA.