Utang

Tambay siningil ng P1,500, naningil tinakot na papatayin

Edd Reyes Dec 5, 2025
232 Views

Utang1TIKLO ang 31-anyos na tambay nang tutukan ng baril at pagbantaang papatayin ang delivery rider na naningil lang ng pautang sa kanya, Huwebes ng hapon sa Valenzuela City.

Nakumpiska nina P/Lt. Gilbert Ticson, hepe ng Sub-Station 7 ng Valenzuela police, kay alyas “Chester” ang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala matapos siyang dakpin sa Northville 1, Barangay Bignay, dakong alas-4 ng hapon.

Batay sa imbestigasyon, natiyempuhan ng 31-anyos na biktimang si alyas “Rafael” ang suspek kaya’t siningil niya ang P1,500 nitong utang na hindi binabayaran subalit sa halip na magbayad, nagalit pa na dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo.

Sa gitna ng pagtatalo, kinuha ng suspek ang baril sa dala niyang sling bag at itinutok sa biktima sabay banta na papatayin ang delivery rider kapag muli siyang siningil.

Agad namang humingi ng tulong sa pulisya ang biktima na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na mahaharap sa mga kasong grave threat at paglabag sa Republic Act No. 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.